Marami nang malalagim na aksidente ang nangyayari sa kalsada dahil nawalan ng preno ang sasakyan, nagbanggaan, nahulog sa bangin, sumalpok sa poste at puno pero ang pagsabog ng truck tanker habang paparating ang isang sasakyan ay maituturing na kamangha-mangha.
Pababa umano sa burol ang truck na may kargang carbon dioxide nang mawalan ng preno at bumangga sa boulder. Eksaktong paparating ang RS Transit nang biglang sumabog ang truck. Hagip na hagip ang bus. Ayon sa mga nakaligtas parang bomba sa lakas ng pagsabog. Ayon sa mga forensic expert, nagkaroon ng bitak sa pressurized tanker nang bumangga sa boulder at ito ang dahilan kaya nagkaroon ng leak at sumabog.
Sinabi ng Ricasa Trading na may-ari ng tanker, sasagutin nilang lahat ang gastos ng mga biktima. Hindi raw nila tatalikuran ang obligasyon. Sa pinaka-huling report, babayaran daw ng P60,000 ang mga namatay. Gayunman, kinasuhan na sila ng Philippine National Police dahil sa malagim na pangyayari.
Sa nangyaring trahedya, isang aral ang makukuha at ito ang nararapat na pag-ukulan ngayon ng mga namumuno sa bansang ito, particular ang mga DOTC at iba pang ahensiya na may kinalaman sa pagyaot ng mga tanker sa kalsada. Magkaroon nang paghihigpit sa mga truck tanker. Karaniwang makikita ang mga tanker na may lamang liquefied petroleum gas, gasoline at iba pang kemikal na tumatakbo sa mga pangunahing kalsada. Siguruhin na ang mga tanker na ito ay ligtas. Magkaroon ng ordinansa na ang mga tanker ay may oras ang pagyaot sa mga kalsada. Huwag silang sumabay sa mga pampasaherong sasakyan. Ito ay para masiguro ang kaligtasan ng mga kawawang pasahero.
Posible na ang nangyari sa Zamboanga del Sur ay mangyari rin sa ibang lugar, lalo na sa lansangan ng Metro Manila na walang ngipin ang batas.