^

PSN Opinyon

Habang maliwanag sa Roxas Blvd. marami rin namang mahirap at madilim na lugar sa Maynila…

BANAT NI BATUIGAS - Bening Batuigas -
SA kabila pala ng mga nagkikislapang mamahaling ilaw sa kahabaan ng Roxas Boulevard ay may nakatagong lihim ang Maynila. Sa totoo lang talagang napakagandang tingnan ang proyektong ito ng lungsod dahil gabi-gabi ay puno ito ng mga parukyano. He-he-he! Dito ninyo makikita umano ang P350,000 halaga ng isang poste ng ilaw. Kakaiba di ba mga suki?

Ang lugar na ito ay tinaguriang Baywalk na kung kayo’y mapapadaan sa oras ng kadiliman ay inyong mapapansin ang nagkikislapang mga ilaw tanda ng kasiyahan sa liwanag ng palamuti. Nariyan ang tila nagpapaligsahang combo na sa saliw ng musika ay iyong makakalimutan ang problemang dinarama.

At siyempre hindi mawawala sa mga tanawing ito ang mga nagkukumpulang mga parukyano habang sumisimsim ng alak. Kung tutuusin bawal ito dahil ang lugar ay pasyalan ng mga pamilya at mga kabataan, Tanda ito na asensado na talaga ang Maynila dahil dinarayo ng mga taong naghahanap ng aliw.

Ngunit kung babaybayin ang kalsadang ito patungo roon sa may hangganan ng boundary ng Navotas ay masasaksihan ang kabaligtaran ng Roxas Blvd. Madilim doon.

Ito ang lugar na hindi napag-uukulan ng panahon at pansin ng ilan nating mga pulitiko na magagaling lamang sa salita at hindi sa gawa. Dito ninyo makikita ang tunay na kalagayan ng ilan nating mga kababayan na nagtitiyaga sa amoy ng basura.

Sila ang mga tinatawag na "Taong Basura" na hindi napag-uukulan ng pansin ng ilang pulitiko na magaling lamang sa pangako. Kasi nga naman "pinangakuan ka na, nag-aantay ka pa na tuparin" He-he-he! Joke lang mga suki!. At dito umikot ang istoryang aking tinatalakay sa dalawang isyu.

Dahil habang nagkakagulo ang moro-morong bidding sa P39 million budget para sa Procurement of Various Substinence of Patients, Foods Items and Zoological Supply ay patuloy ang pagkakalkal ng mga residente sa Smokey Mountain, staging area ng mga bagay-bagay na maari nilang pagkakakitaan ng salapi na maibibili ng pagkain.

Di tulad sa mga kontratista na malalapit kina Mayor Atienza at Administrator Noble na nakikipagbangayan sa ilan nilang katunggali upang mapasakamay ang kontrata. He-he-he! Wala silang sinasanto dahil super bagyo ang kanilang kapit sa katauhan umano nina Ka Billy, Ka Medina at Ka Candelaria. Mukhang malaki ang Cash-sunduan.

Kaya’t naidulog nila sa akin ang kaguluhan sa bidding ng ako’y magtungo sa City Hall noong Huwebes ng hapon, January 25. Dahil ayon sa kanila, labis na umano ang pagka-gahaman ng ilang kontratista na dekada nang kumupo.

Kitang-kita ko kung anong klase ng kanilang buhay-buhay nang marating ko minsan ang naturang lugar. Napabilang kasi ako sa isinagawang Anti-Crime Operation ng Balut Police Station ng Manila Police District sa pamumuno ni Supt. Romulo Sapitula.

Una kong napansin ang pagtakbuhan ng mga kalalakihan nang dumating kami sa naturang lugar, dala marahil sa maraming pulis na pumasok sa kanilang tagong lugar o bihira lamang sila makakita ng mga unipormadong pulis.

Halos lahat ng bahay ay nakatirik sa basura na ang dingding ay yari sa mga pira-pirasong plastik at sako. Ang mga kabataan ay hubo’t hubad at walang kahit na anumang sapin sa paa. Halatang kulang sila sa pagkain dahil karamihan sa kanila ay payatin at malalamlam ang mga mata.

Karamihan din sa matatanda at mga kabataan ay may mga galis sa iba’t ibang bahagi ng katawan. Ito marahil ay galing sa dumi ng kapaligiran. Ang lahat ay inuubo, dala rin marahil sa ang buong paligid ay nababalot ng usok mula sa basura at ang pagsunog sa mga lumang gulong na pinagkukunan nila ng alambre na maari ring maibenta sa junk shop.

Abangan ang kasunod.

ADMINISTRATOR NOBLE

ANTI-CRIME OPERATION

BALUT POLICE STATION

CITY HALL

DAHIL

DITO

FOODS ITEMS AND ZOOLOGICAL SUPPLY

KA BILLY

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with