Kung ganito ang batayan upang ma-aprubahan ang gun-ban exemption, mas dadami pa ang private army dahil lahat ng mayayaman lalo na ang mga Tsinoy ay puwedeng magdala. Lahat silay mas nanganganib makidnap dahil mas mayaman pa at hindi kasing high-profile ni Pacman. Isa na naman itong halimbawa ng pahapyaw na pagpapatupad ng batas sa ilalim ng rehimeng Arroyo. Nasabi nang minsan ang niloloob ng masa sa isyung yan - lahat dapat ay pantay-pantay sa batas. Itanong mo kay Luli Arroyo.
GUN BAN GRADE: USELESS
Isyu rin ngayon ang political dynasty. Nagbitiw si Senador Kit Tatad sa UNO bilang protesta sa tinawag niyang Kamag-Anak Inc. Dapat daw ay hindi na isama sina JV Ejercito (dahil kay Kuya Jinggoy), Alan Peter Cayetano (Ate Pia) at Koko Pimentel (Tatay Nene) sa ticket.
Sa Konstitusyon, ang pagbabawal sa tinatawag na political dynasty ay iniwan sa kamay ng mga mambabatas. Hanggang ngayon, wala pa ring Political Dynasty Law na naipapasa. Kaya nga hindi mapigilan si GMA (na anak ni Pres. Diosdado), Mikey at Dato (mga anak), Iggy, Cielo at Art (mga kapatid) na tumakbo.
Ang pinakamalakas na argumento ng mga kandidatong anak, asawa at kapatid ay lamang sila sa karanasan at alam nila ang pangangailangan ng posisyon. Sa parehong dahilan na ang mga anak ng doktor, sundalo, abogado etc. ay tinutulak na sumusunod sa yapak ng kanilang magulang, magandang adhikain din ang itulak ang nakababatang henerasyon na maghabol ng karera sa serbisyo pampubliko.
Hindi komo naunang maupo ang kamag-anak ay automatic ka nang lamang. Higit na maraming tumakbong junior, misis at utol ang natalo kaysa nanalo. Kung masama ang rekord ng nauna, masama rin ang mapapamana. At kung equal opportunity for public service ang hanap, nasa Konstitusyon din naman ang party-list system na nagbibigay ng pagkakataon sa mga "marginalized" o walang kapangyarihang sektor na makapaglingkod.