EDITORYAL - Gun ban? Ano ’yon?

ANG Commission on Elections (Comelec) ang pinaka-makapangyarihan sa buong panahon ng election. Nagsimula ang pagiging makapangyarihan ng Comelec noong January 15 nang ipagbawal ang pagdadala ng baril at simula na rin ng pagpa-file ng kandidatura ng mga gustong tumakbo sa posisyon. Masyadong abala na ang Comelec at kabilang sa kanilang pinagkakaabalahan ay ang pag-aapruba ng mga nag-aaplay ng exemption sa pagdadala ng baril. Nakatutuwa at nakatatawa na habang inaanunsiyo ng Comelec na bawal ang pagdadala ng baril, walang tigil ang pagtanggap nila ng aplikasyon para makapagdala ng baril, hindi lamang mga pulitiko kundi pati na rin mga sibilyan.

Ayon sa Comelec, may 1,000 pulitiko na ang nag-file ng aplikasyon para patuloy silang makapagdala ng baril. Noong Martes, umabot na sa 17,000 ang nag-aplay ng aplikasyon para patuloy na makapagdala ng baril. At nang araw ding iyon, 6,000 ang naaprubahan at 1,000 naman ang hindi naaprubahan. Isa si boxing idol Manny Pacquiao na naaprubahan ang aplikasyon para makapagdala ng baril. Dalawampung baril ang naaprubahan kay Pacquiao. Sabi ng Comelec, inaprubahan ang ganoon karaming baril para pamproteksiyon kay Pacman at sa kanyang pamilya.

Habang may gun ban, patuloy na magiging abala ang Comelec sa pagtanggap ng aplikasyon sa mga humihingi ng permiso na makapagdala ng baril. At mas marami ang kanilang inaaprubahan kaysa hindi. Kaya hindi kataka-taka na habang may gun ban, patuloy na makapagtatayo ng private army ang mga pulitiko. Sagana pa rin sila sa baril dahil maganda naman ang batas na sinusunod ng Comelec. Makapangyarihan nga sila na kahit na sinabing may gun ban, maaaring mag-aplay para ma-exempt. Marahil dito lamang sa bansang ito may ganitong batas na ang sariling kautusan ay sinusuway mismo ng nagpapatupad.

Hindi kataka-taka na maging madugo ang election dahil sa ganitong estilo ng Comelec. Hindi ba puwedeng kapag sinabing bawal ang baril, ay talagang bawal at nararapat ipatupad? Nakatutuwa at nakatatawa ang Comelec.

Show comments