Talagang lubos akong naapektuhan ng dumaan sa harap ko ang Poon ng Nazareno na hila ng libong taong mga namamanata samantalang ilang daang doble naman ang mga nag-iilaw ng kanyang daraanan o di kayay sumasabay sa procession niya mula sa simbahan ng Quiapo at pabalik din dito. Pinanuod ko po ito mula sa balkonahe nina Regina Tuason na nagmamay-ari ng isa sa tunay na luma pero very well preserve na tahanan na nakita ko at iyan ho ay nasa gitna ng Quiapo.
Anyway, kitang-kita ko ang debosyon ng mga tao sa Poon ng Nazareno at ultimo ang hilaan ng tali ay nagpapalit-palit ng kamay at kahit na akala mo ay may agawan ay walang nag-aaway dahil naiintindihan ng bawat pumapasan na lahat ay nais na mahawakan man lamang ang mahabang tali nito.
Karamihan ay nakasuot ng maong na pantalon at t-shirt na may nakalagay na larawan ng Padre Nuestro Jesus Nazareno pero matindi nito lahat nakayapak lahat kahit sa kainitan ng kalye.
Wala ring patlang ang pagpapasahan ng mga tuwalya sa pagitan ng mga taong nasa kalye at yung mga nasa tabi ng Poon na ipupunas ito bago ibabalik. Ang mga nasa tabi ng kalye naman ay pulos kandila ang hawak samantalang nauuna rito o di kayay nahuhuli ay mga replica ng Poon ng Nazareno na dala naman ng mga deboto rin hindi lamang galing sa Maynila kung hindi sa iba pang lugar sa Luzon.
Habang dumadaan naman ang Poon ng Nazareno ay humihiyaw ang mga nanonood ng "Viva Jesus Nazareno" o di kayay nagwawagayway ng mga puting tuwalya. Makita lamang ng karamihan nandoong naghihintay ng ilang oras na o di kayay naglakad ng ilang oras na nakayapak at makipaggitgitan ay masaya na ang mga deboto NIYA.
Marami ang nakita kong naluha, kasama na po ako na unang beses naranasan ito. Dati rati ho kasi, pagkatapos naming mamigay ng kandila at paglabas ng Poon ng Nazareno sa simbahan ay uuwi na po kami.
Sa pagkakataong ito, umikot ako talaga at nakilakad umpisa pa ng alas-9 ng umaga bagamat aaminin kong marami rin akong tahanang pinasok kung saan ako nakipamiyesta.
Bukod sa naluha talaga ako ay taimtim akong nanalangin at hiniling ko na magkaroon sana ng pagbabago sa ating bansa kung saan mababawasan ang kahirapan na talaga namang talamak kahit diyan sa paligid ng simbahan ng Quiapo.
Hindi naman kasi kaila sa ating lahat ang paghihirap nang marami at sa aking pagpupulso sa lugar ng Quiapo kasama si dating Congressman Harry Angping ay talagang nakita ko ang kahirapan pero madasaling ugali nating mga Pinoy.
Alam nating kakaiba ang nagagawa ng mga pinagsama samang mga panalangin pero kailangang tulungan din natin ang ating sarili dahil gaya ng lagi nating sinasabi NASA DIYOS ANG AWA, NASA TAO ANG GAWA.
Ang bahay nga pala ni Gigi o Regina ay maituturing kong museum piece dahil bagamat luma ito ay talagang well preserve lalo na ang mga sahig na talagang magagandang kahoy na mukhang imported pa noong panahon ng pananakop ng Kastila sa Pilipinas.
Iba rin siyempre ang mga furnitures sa loob nito, ultimo ang comfort room nito. Matindi nito, in the heart of Quiapo ito. Kung papayag nga lamang ang pamilya ni Gigi ang dapat dito ay gawing tourist attraction. Buong akala ko wala na ang mga ganoong tahanan maliban sa Vigan, Ilocos Sur o di kayay sa Bisaya pero meron pa pala at sa Quiapo pa.
Grabe naman ang tamis ng mangga na hinain ng Ina ni Chairman Danny Aquino. Natuto rin ako kung paano ang paraan ng pagkain ng mangga upang hindi ito maging makati. May technic pala rito bagamat sure na sure kaming lahat na pinaka-matamis at pinakamasarap ang mangga natin sa buong mundo.
Kay Kagawad Espie Luarca naman, kung may handaan din lamang kayo sa susunod, huwag kayong mag-atubiling sa kanya na magpagawa ng super linamnam na leche flan. Paniwala nyo ho ako, dahil isa ho sa favorite ko ay ang leche flan at halos kalahati yata ang niyari ko.
Katunayan nga, kahit malayo ang nilakad ko kasama ng mag-asawang Angping na tiyak na kong mahal na mahal ng taga-3rd district ng Maynila, umangat pa rin ang timbang ko dahil sa mahirap tanggihang mga pagkain na daig ang mga sikat na restaurant at mga hotel.
Pangako ko nga sa sarili, sa susunod na taon, imbitahan nila ako o hindi ay pupunta tayo pero hindi lamang kumain kung hindi makisali sa pagdiriwang ng anibersaryo ni Senyor Jesus Nazareno at makisigaw ng VIVA NAZARENO.