RICHARD GOMEZ. Wala nang artistang hihigit pa kay GOMA kung dedikasyon sa paniwala ang pinag-uusapan. Kapag itoy nagdeklara, subok nang hindi aatras saan man humantong ang laban. Kung lumahok sa pagka-Senador, mapapakinabangan ng tao ang kanyang kapusukan. Kayat hindi maintindihan na open siya sa posibilidad na sumapi sa administration ticket. Tao naman daw ang hahalal sa kandidato. Mahalaga pa raw ba kung paano ito nanalo? GOMA: Ngayon mo pa ba tatalikuran ang prinsipyo? Kung ganito ang paniwala mo, tumakbo ka na lang na independent para walang masabi ang tao. JACK OF HEARTS.
ANTONIO NACHURA. Nominado sa posisyon ng Associate Justice ng Supreme Court. Sa pag-aaral ng gagawin ng JBC sa Jan. 15, isa lang ang tanong: "Ano ang masasabi mo sa ginawang pagpalaya ng Pangulo kay Smith habang pinag-aaralan pa ng Hukuman ang inihain mong petisyon bilang Solicitor General?" Kung hindi siya umimik ay malinaw na huwad ang pagkilala niya sa jurisdiction ng Korte. Maaatim ba ni CJ Reynato Puno, Chairman ng JBC, na itulak sa pagkamahistrado ang nominadong kulang ang pagpapahalaga sa institusyon ng Hukuman? JACK OF SPADES.
VIRGILIO GARCILLANO. Kandidato ng Malacañang ang kanilang favorite COMELEC Commissioner sa pagka-congressman sa Bukidnon. Hindi kagulat-gulat. Pinagmulan ng sigalot at krisis sa pulitika, may mga kaso pa sa hukuman at sa senado. At sa opinyon ng publiko? Public Enemy No. 2. Wala na yatang mai-"dagdag" na "babawas" sa kredibilidad nito sa mata ng tao.
Aba, perpek na kwalipikasyon sa administration ticket hindi ba, Congressman Jose Pidal? JACK OF DIAMONDS. (Sandali, JACK OF CLUBS ang sinulat ah . . . bakit tampered ito? Hello??? Hello . . . Garci?)