Kung ano ang itinanim, iyon din ang aanihin. Nagtanim ng sama si Saddam sa kanyang mga kababayan. Sa 25 taong pamumuno sa Iraq, marami siyang ipinapatay na mga kapwa niya Muslim. Marami siyang nilason ng kemikal. Isang buong angkan ng kanyang kalaban ang kanyang pinapatay. Nang pamunuan ang Iraq noong 1979, lahat ng kanyang mga kapartido at sundalo na pinaghihinalaan may masamang tangka ay ipinag-utos niyang patayin. At kahit na ang kanyang dalawang manugang na lalaki ay hindi rin nakaligtas sa kanyang kalupitan. Ipinapatay niya ang mga ito. Siya rin ang nag-umpisa ng giyera sa Iran noong 1980. Noong 1990, sinakop niya ang oil-rich Kuwait. Subalit hindi nagtagal ang occupation ni Saddam sa Kuwait sapagkat sumaklolo ang mga Amerikano. Sa kabuuan, ang 25 taon niyang pamumuno sa Iraq ay nabahiran nang maraming dugo.
Kaya hindi nakapagtataka na ilang oras makaraang ibrodkas ng Iraqi TV ang balitang patay na si Saddam, maraming mamamayan ang natuwa at nagsipagsayawan sa kalye. Isang malaking selebrasyon ang balitang patay na ang diktador. Hindi mailarawan sa mga mukha ng Iraqis ang katuwaan.
Ang pagbigti kay Saddam ay patunay lamang na walang utang na hindi pinagbabayaran. Ang lahat ay may katapusan. Pagbabayaran ang anumang ginawang kalupitan sa kapwa. Ang ginawang kasamaan ni Saddam ay hindi naman sana gawin ng iba pang pinuno ng bansa. Maging aral sa ibang pinuno ng bansa ang ginawa ni Saddam.