Bagamat sinabi ng mga Obispo na hindi sila tutol ng buong buo sa pagpapalit ng Saligang Batas dahil lahat ng bagay ay nagbabago, diniin nila na dapat ding baguhin ang liderato ng Commission on Election na in-charge sa bilangan ng mga boto.
Tinapos ko pati ang misa kasama ni Tatang Gusting na sinundo ko pa sa may Sta. Cruz dahil gusto niya raw personal na marinig ang mga sasabihin ng mga Obispo.
Tinanong ko siya kung ano ang masasabi niya lalo na ang tungkol sa Comelec at nagulat ako nang sabihin niya: "kung may natitira pa silang hiya, dapat magbitiw na sila, pero huwag kang umasa makakapal na sila.
"Aba noong panahon, kapag nabalita kang nangurakot, balita pa lang, nagbibitiw na bilang patunay na hindi nagnakaw, may delikadesa, ngayon, dinig na dinig mo na ang Hello Garci at iba pang pandaraya, nakakapit pa rin sila, nakakahiya ang mga iyan," galit na galit na sagot sa akin ni Tatang Gusting.
Medyo nagulat ako sa reaksyon ni Tatang Gusting, matindi pala siyang magalit. Tahimik muna ako, wala na say hanggang sa makasakay sa kotse at nang akala ko malamig na siya, nagtanong muli ako tungkol naman sa character change na nais ng mga Obispo.
Uminit na naman ang ulo ni Tatang Gusting na sumagot ng: "Hindi na kayang palitan ang ugali ng mga iyan, matatanda na ang mga walanghiyang mga iyan, kailangang palitan na sila upang bago man lang pumikit ang aking mga mata ay makita kong muli ang pamilya kong maayos at mga kababayan kong hindi inaapi at nagiging alipin sa lahat ng panig ng mundo."
Hindi na ako kumibo pero sa loob-loob ko dapat nang tumigil sa pagtatanong dahil baka ma-high blood pa si Tatang Gusting. Naisip ko na lamang na tama siya kaso umaasa pa rin ako na magkaroon ng pagbabago sa kanila at tablan sila kahit konting hiya. Baka naman ngayong panahon ng kapaskuhan ay magsimula sila ng kabutihan at kahit konting bahagi ng ninakaw nila ay ibalik nila sa mga naghihirap nating mga kababayan pero higit sa lahat sana hindi manatiling PANAGINIP LAMANG ang inaasam asam nating pagbabago nila.
Tunay na magagaling ang apat na Choir na umawit ng mga kakaibang version ng mga Christmas Carols na siningitan pa ng usung- usong Bum Tarat Tarat ng "Wowowee" ng Channel 2.
Ganundin ang 13 entries ng mga parol na gawa sa mga recycled materials kagaya ng mga plastic, bote, straw, balat ng mani, diyaryo at ultimo palay.
Bagamat bisita ako, medyo nahirapan ako sa naturang piging dahil napili ako bilang isa sa judges sa naturang contest. Kasama rin sina Bgy. Chair Felix del Rosario ng Quiapo, kaibigan kong si retired Colonel Perry Herrera at iba pa. Mahirap kasing mag-judge lalo na at tunay na champion ang lahat ng kalahok.
Kung maaari nga lamang ay number one lahat dahil magagaling talaga at showcase ng Pilipino talent ang naturang contest pero gaya ng anumang paligsahan dapat may manalo at ang iba ay runner ups na lamang.
Taun-taon ginagawa ng naturang barangay ang ganitong piging kung saan nagsasalu-salo ang lahat hindi lamang sa mga pagkaing sari-sariling luto, kantahan at sayawan kung hindi sa pinakaimportanteng bagay pag Pasko ay iyan ang ay Celebration sa birthday ni LORD JESUS CHRIST.
Kay Chairman Tony, Bgy. Kagawads Rodel Ortiz (magaling na emcee), Jay Ilagan (emcee na makata pa), Jun Macaltao (miyembro ng Be Not Afraid Movement ni Sen. Ping. Lacson), Junior Payongayong at Mila Fajardo, Bgy. secretary Tita Aromin, treasurer Thelma Lim at siyempre si Ex-O Joe Fajardo, saludo ho ako sa inyo at hindi na nagtataka bakit mahal na mahal kayo ng mga kabarangay ninyo. Ganundin sa lahat ng mga tanod kung saan kasama itong kaibigan kong si Rose Biare na ubod ng sipag.
Mabuhay po kayo at sana dumami pa ang mga katulad ninyo. Mas magaganda silang ehemplo kesa ilang mga matataas na opisyal ng Malacañang na wala nang ginagawa ay nagpapahirap pa sa sambayanan. Sa mga taga Bgy. 310 naman, muli binabati ko kayo ng Maligayang Pasko at Manigong Bagong Taon.