EDITORIAL - Santa Cops sa mataong malls
December 12, 2006 | 12:00am
HABANG palapit nang palapit ang Pasko ay sunod-sunod naman ang mga krimeng nagaganap. Sunud-sunod ang mga nakawang nagaganap. Mayroong isang banko sa Quezon City na pinasok ng mga magnanakaw sa pamamagitan ng pagdaan sa bubong at ginamitan ng acethylene. Bagamat hindi nabuksan ang vault, nilimas naman ang mga gamit sa loob ng banko. Bukod sa mga nakawang nagaganap, sunud-sunod din naman ang holdapan sa dyipni at hindi na nasisindak sa parak ang mga holdaper.
Noong Linggo ng madaling araw, isang pulis ang binaril at napatay ng dalawang holdaper sa Camarin, Caloocan City. Nakasakay sa kanyang motorsiklo si PO1 Jesus Soliman nang harangin ng dalawang lalaki at tinangkang agawin ang motorsiklo. Bumunot ng baril si Soliman subalit naunahan siya ng isa sa mga holdaper at binaril siya sa ulo. Bumagsak si Soliman. Hindi pa nasiyahan ang isa sa mga holdaper at sinaksak pa siya. Umanoy katatapos lamang holdapin ng dalawang lalaki ang isang pampasaherong dyipni subalit hindi nasiyahan sa naholdap kaya pinagbalingan ang nakamotorsiklong pulis. Hindi naman natangay ang motorsiklo.
Marami pang pagnanakaw at mga holdapan ang nagaganap habang papalapit ang Pasko. At tila nalulusutan ang mga pulis. Nasaan na nga ba ang mga parak at walang makitang nagpapatrulya lalo na sa gabi na naglilitawan ang mga masasamang loob? Nasaan sila sa panahong kailangan sila ng mamamayan? Nawala na ang kanilang motto na "to serve and protect?"
Habang may nagaganap na nakawan, holdapan at patayan, may mga pulis naman na naka-damit Santa Claus at sa loob ng mga malls at department stores nakatambay? Sinong tangang holdaper o magnanakaw ang pupunta sa malls na maraming guwardiya?
Noong Linggo ay sinimulan na ng Philippine National Police ang pagpapakalat ng "Santa Cops". Tuwing Christmas season daw ay ganito ang ginagawa para mapangalagaan ang nagsa-shopping.
Maganda ang naisip na pagpapakalat sa "Santa Cops" para mapangalagaan ang mga shopper. Pero mas kailangan ang "Santa Cops" sa mga delikadong lugar na karaniwang sumasalakay ang mga kawatan. Kailangan ang "Santa Cops" sa gabi kung saan maraming tao ang sumasakay ng dyipni at inaabangan ng mga holdaper. Ipaubaya ang malls sa mga sekyu na sinusuwelduhan ng mayayamang may-ari.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
















