Sa nakaraan kong kolum, nabanggit ko na ang isyung ito at napilitan akong balikan ang isyu ng Charter change (Cha-cha) dahil nagulat ako at hindi makapaniwala na mayorya pala ng kasapian ng Kongreso, sa pangunguna ni Speaker Jose de Venecia at mga kilalalang kapanalig ni GMA, ay nakahandang balewalain ang tinatawag nating fundamental law of the land maisulong lang ang kanilang pansariling interes na patuloy na makapanatili sa poder ng kapangyarihan hanggat gusto nila at kahit na walang basbas ng mamamayan sa pamamagitan ng isang malaya at demokratikong halalan.
Nakakalungkot pang isipin na ang mayorya sa mga bumoto sa resolusyon ng Kongreso ay mga abugado at mga self-styled law experts and constitutionalists.
Ayon sa mga nagsusulong ng Cha-cha, ito naman daw ay isang bagay na idadaan nila sa kapasyahan ng mamamayan sa pamamagitan ng isang plebisito kaya sana ay pabayaan na lang muna sila.
Subalit nakapagpasya na ang mamamayan, hindi ba? At ito ay makikita sa mga resulta ng mga naglabasang survey kung saan ang mayorya ay nagsasabing hindi sila pabor sa Cha-cha.
Hindi ba malinaw din na pahiwatig ng damdamin ng taumbayan sa naturang isyu ang malawakang pagbubunyi na ating nasaksihan matapos ideklara ng Korte Suprema noong Oktubre 25, na ilegal at maling pamamamaraan ang peoples initiative (ang Plan A ng mga pro Cha-cha), upang baguhin ang Saligang Batas.
Kaya nga nais kong ulitin: Pagpapakita ng pagiging manhid sa tunay na damdamin ng taumbayan ang pagpipilit ng mayorya sa Kongreso na ituloy pa rin ang Cha-cha; mas maraming bagay ang dapat unahin, pangunahin na ang pagtulong sa mga sinalanta ng kalamidad. Itigil na ang Cha-cha. Sundin ang kapasyahan ng mamamayan.