Tulong para kay Shirley

NATUTUWA naman ako dear readers na sa kabila ng hirap ng buhay ngayon ay may mga tao pa ring nakahandang tumulong sa kanyang kapwa. Patunay na sa oras ng pangangailangan, tayong mga Pilipino pa rin ang tutulong sa bawat isa. Sabi nga ni President Erap: "Walang tutulong sa Pilipino, kundi ang kanyang kapwa Pilipino."

Nabanggit ko ito hinggil sa problema ni Gng. Shirley Santos at kanyang pamilya na nabiktima ng Cherry Hills landslide noong 1999.

Bilang reaksyon sa aking kolum hinggil sa sinapit ni Ms. Santos, nag-aalok ngayon ng tulong sa kanya ang MAB International Services, isang rehistradong manpower recruitment agency sa POEA. Narito ang ilang bahagi ng kanilang sagot sa akin:

Nabasa po namin ang iyong column tungkol kay Gng. Shirley G. Santos. Maaari po namin siyang matulungan o kaya ang kanyang anak na makahanap ng trabaho sa labas ng Pilipinas. Ang MAB Int’l. Services Inc. (MABIS) ay binuo upang tumulong sa mga kababayan nating world class workers makahanap ng mga first class employers o vice versa.

Bilang patunay dito ay hindi po nangungulekta ng placement fee ang aming kompanya (MAB Int’l.Services) sa mga pinapadala naming tao sa Saudi Arabia , United Arab Emirates at Qatar.

Kung si Ginang Santos po o kaya ang kanya pong anak ay mapipili ng aming employer, ang tanging gagastusin lamang po nila ay ang processing fee sa POEA at insurance. Inaanyayahan po namin si Ginang Santos at ang kanyang anak na magsumite ng kanilang detalyadong bio-data sa aming tanggapan sa Penthouse 2, Minnesota Mansion, 267 Ermin Garcia St. corner Aurora Blvd. near Anonas Rd., Brgy. Silangan, Cubao, Quezon City

Maaari rin po silang tumawag sa 9111218, 911-9991 o 4403033.

Marami pong salamat at mabuhay po kayo.

Laging handang maglingkod,

Bam Dela Pena


Officer-In-Charge

Team MABIS
* * *
Ang Doktora Ng Masa ay handang magbigay ng serbisyo publiko. Maari kayong mag email sa: doktora_ng_masa@yahoo.com.ph o magpadala ng liham sa aking tanggapan sa Room 209, GSIS Building, Senate of the Philippines, CCP Compound, Pasay City.

Show comments