^

PSN Opinyon

Airport ang palitan

PANAGINIP LANG - Nixon Kua -
Isa sa malaking isyung pinaguusapan nitong nakaraang ilang mga araw ay ang opisyales ng Bureau of Immigration na sinibak dahil pumayag unahing iproseso ang pasaporte ng isang dayuhan na lumukso sa pila sa Ninoy Aquino International Airport kung saan nakapuwesto naman si Luli Macapagal Arroyo, ang kaisa isang anak na babae ni Madam Senyora Donya Gloria.

Nagreklamo si Ms. Luli kung bakit pinauna ni Edward Padlan ang nasa huling nakapila samantalang nagtitiyaga siyang maghintay sa pila. Karapatan ng sinumang bumabiyahe ang magalit kung merong hindi tumutupad sa pila. Lubos itong nakakainis na ugaling pinaiiral sa atin.

Pero matindi ang parusang pinukol kay Padlan sa kadahilanang sinagot niya ang hindi niya nakilalang si Luli ng: "hindi kaba marunong maghintay," na siyang tunay na dahilan ng kanyang pagkakasibak sa puwesto.

Tanging kasalanan ni Padlan ang pagiging masungit niya. Hindi niya pinaliwanag ang tunay na dahilan bakit niya pinauna ang dayuhan na nasa hulihan ng pila. Ang dahilang ito ang ipapaliwanag natin ngayon dahil suliranin itong matagal ng hindi maresolba ng opisyal ng airport, immigration at customs dahil sa sistemang dapat nuon pa nila pinapalitan.

Dahil sa mga paghihigpit na ginagawa sa airport natin na tama namang ipatupad at dahil sa liit ng espasyo ng ating paliparan ay talagang magkakaroon ng sobrang haba ng pila mula sa security check, airline counters, customs, immigrations at final security check sa paalis na pasahero. Sa parating namang mga pasahero ay grabe rin ang pila sa immigrations at customs.

Dahil sa haba ng pila at siksikan sa airport ay napipilitan ang immigrations na pagbigyan ang kahilingan ng mga airline companies na paunahin ang mga pasahero nilang nasa likuran pa ng pila upang makaalis sila sa tamang oras.

Merong kasunduan ang airlines at immigrations dito at ang pasaherong pinauna ni Padlan ay papasakay na ng airline na nasa final boarding stage na. Kailangang pagbigyan ito ni Padlan o iba pang mga immigration officials.

Madalas ho mangyari ito sa airport natin pero walang walang magagawa ang mga taga customs o immigration. Kahit anong gawin nila ay hindi nila makakayanang ibigay ang tunay na solusyon sa problemang ito. Hindi naman nila maaaring apurahin ang screening dahil isasakripisyo nila ang trabaho nila na mas mali.

Tanging solusyon nila ay magdagdag sila ng mga tauhang magpoproseso ng mga pasaporte ng mga umaalis at dumarating na pasahero. Alam ng immigration commissioner at customs commissioner ang solusyon na ito. Tiyak natin alam rin ni Al Cusi, General Manager ng NAIA ang paraan upang ayusin ito

Kaso, naisin man nila, imposible mga kababayan. Sobrang liit ng airport natin at hindi na ubrang magdagdag ng counter. Wala ng paglalagyan dahil sa patuloy na paglaki bilang ng pasahero pero hindi lumalaki ang ating airport.

Pinaka magandang ehemplo rito ang NAIA 2 o Centennial Terminal. Ito ang ginagamit ng Philippine Airlines kahit sa international flights nila. Ito rin ang pinaka latest na passenger terminal natin pero bakit saksakan ng haba ang pila sa immigration at customs dito. Simple lang ho, sobrang liit at hindi nga makapagdagdag ng tauhan.

Dapat dito ay domestic airport pero ginagamit para sa international samantalang ang NAIA 3 ay nananatiling walang silbi. NAIA 3 ho ang airport na matagal ng panahong maaaring buksan pero nananatiling "white elephant" dahil sa magulong "pagkakaintindihan" ng mga opisyales ng gobyerno at nag-mamayari ng NAIA 3.

Marahil iniisip ninyo ano ang "magulong pagkakaintindihang" ito, sa ibang column ho natin tatalakayin iyan pero tip ho, marami ang kumita riyan ultimo sa sinasabi nilang "settlement" na umabot ng bilyong piso.

Tanging solusyon para maayos ang problemang nangyari sa airport ay palitan ang airport upang makapagdagdag ng taong poproseso sa pasaporte at kargamento ng lahat ng pasahero.

Masyadong matindi ang kaparusahang pinataw kay Padlan na tanging pagkakamali ay hindi niya nakilala si Ms. Luli. Kung paninindigan ng Malakanyang at ni Immigration Commissioner Al Fernandez ang parusa kay Padlan, lahat dapat nilang parusahan dahil ang pagsingit sa pila lalo na request ng airlines at mga vips ng administrasyon ay ginagawa ng lahat.
* * *
Gen. Oscar Calderon, laganap na laganap pa rin ang jueteng. Panay ang pagbibigay n’yo ng deadline pero wala namang nangyayari rito. Mabuti pa aminin n’yo na lamang na hindi n’yo kaya bago kami maniwala sa balitang hindi pa nagkakasundo ang negosasyon sa pagitan ninyo at ng mga jueteng lords.

Sa mga opisyal naman, sobra na ang pambobola n’yo sa ating mga guro na nuon pa ninyo pinapangakuan ng increase kahit sa allowance. Hanggang sa araw na ito ay pangakong nakakakabag lamang natatanggap nila.

Pasuwelduhin n’yo rin sana sa oras ang mga guro natin, lalo na yung mga nasa Caloocan na lalong nababaon sa kauutang sa 5 -6 dahil sa delay sa kanilang mga salary.
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, text lang o e mail sa [email protected] o mag text sa 09272654341.

AIRPORT

DAHIL

MS. LULI

NILA

PADLAN

PILA

  • Latest
  • Trending
Latest
Are you sure you want to log out?
X
Login

Philstar.com is one of the most vibrant, opinionated, discerning communities of readers on cyberspace. With your meaningful insights, help shape the stories that can shape the country. Sign up now!

Get Updated:

Signup for the News Round now

FORGOT PASSWORD?
SIGN IN
or sign in with