Kariño brutal...

ISANG KATANGIAN ng Pilipina ay ang pagiging matimpiin at mapagmahal. Kung minsan bugbog-sarado na sa asawa ay hindi pa rin nakukuhang hiwalayan o iwanan sa pag-asang magbabago rin ito.

Kadalasan nadidinig natin ang katagang "Wala akong magagawa mahal ko!" Pinapatay ka na nga mahal mo pa rin at nakukuhang patawarin. Hindi na siguro katangian ito, katangahan na!

Hindi na ako magugulat kung bakit ang daming kaso tungkol sa battered wives, women ang lumalapit sa aming tanggapan. Ito na rin ang topic ng aking artikulo sa araw na ito.

Nagkakilala ang mag-asawang Lhovelyn at Florentino Aquino noong nasa kolehiyo pa lang sila. Naging magkasintahan sa loob ng tatlong taon hanggang sa magdesisyon na magpakasal noong ika-26 ng Agosto 2003. Nabuntis si Lhovelyn kaya obligasyon ni Florentino na siya ay panagutan. Subalit ang nais daw nitong si Florentino na ipalaglag na lamang ang kanyang ipinagbubuntis dahil sagabal lamang ito sa kanila.

Hindi na naging maayos ang samahan ng mag-asawa hanggang sa dumalas na rin ang kanilang pag-aaway. Nababalitaan din nito ang di-umano’y pakikipagrelasyon ng kanyang asawa sa ibang babae.

Taong 2005 nang magpasya si Lhovelyn na tuluyan nang makipaghiwalay kay Florentino dahil kumpirmado nito ang pambabae ng kanyang asawa. Sa panahon naman na hiwalay sina Lhovelyn at Florentino ay ang una naman ang pinaratangan na nanlalaki bagay na walang katotohanan, ayon kay Lhovelyn.

Dahil sa pagmamahal niya sa asawa at para na rin sa kabutihan ng kanilang pagsasama, makalipas ang isang taon ay muling nakapagbalikan si Lhovelyn sa kanyang asawa subalit kapalit pala nito ay pasakit at pagdurusa. Wala pa ring pagbabagong nakita si Lhovelyn sa kanyang asawa.

Ika-5 ng Abril 2006 bandang alas-6:30 ng gabi sa Julian Felipe, Sangandaan, Caloocan naganap ang insidente. Galing noon si Lhovelyn sa kanyang kapatid sa Novaliches. Diretso na agad ito sa kanilang kuwarto kung saan naabutan naman nito ang kanyang asawa na nakahiga sa kama.

"Ipinakita ko sa kanya ang requirements na kakailanganin ko sa pag-aapply sa trabaho pero ang isinagot lang niya sa akin noon ay baka kung kani-kanino lang ako nakikipagkita. Hindi ko na lang pinansin para walang ng gulo. Nag-impake na ako ng mga gamit naming mag-ina. Ang dami na niyang mga paratang sa akin," salaysay ni Lhovelyn.

Naisip lamang ni Lhovelyn na mas makabubuti na pansamantala ay sa kanyang kapatid muna siya manirahan sa Novaliches sapagkat malapit lamang ito sa kanyang pinag-aaplayang trabaho. Subalit hindi naniwala si Florentino sa kanya at patuloy pa rin ito sa pagpaparatang na makikisama lamang ito sa kanyang kalaguyo.

Ayon kay Lhovelyn, hindi niya nagustuhan ang sinabi ng asawa kaya sinagot niya ito na kung gusto naman nito ay sa babae niya na lang ito tumira bagay naman na ipinag-init ng ulo ni Florentino.

Nagulat na lamang si Lhovelyn nang sakalin siya ng kanyang asawa at pagkatapos ay inuntog pa ang ulo nito sa pader. Hindi pa nasiyahan ay hinambalos naman siya sa pintuan at pinagsususuntok sa tiyan.

"Pagkatapos noon ay tinadyakan pa niya ako sa tiyan. Malakas ang pagkakatadyak niya kaya nagsuka ako at nahirapan na akong huminga. Dumampot ng screw driver at akmang isasaksak sa akin," kuwento ni Lhovelyn.

Samantala agad namang sumaklolo ang biyenang babae ni Lhovelyn kaya naman naawat daw si Florentino sa pananakit nito. Namimilipit sa sakit si Lhovelyn dahil sa hirap na itong huminga. Sinabi pa nito na pinagbantaan din siya ni Florentino na papatayin siya at ang buo nitong pamilya.

Ilang sandali pa lamang ay dumating na ang mga magulang ni Lhovelyn at saka pa lamang ito dinala sa ospital. Limang araw din ang inilagi nito sa ospital. Nang makalabas ng ospital, nagpasya si Lhovelyn na magsampa ng kasong Frustrated Parricide at Violation of R.A 9262 laban sa kanyang asawa sa Caloocan Prosecutor’s Office.

Mariin namang pinabulaanan ni Florentino sa kanyang kontra-salaysay ang akusasyon ng asawa. Sinasabi nitong walang katotohanan ang paratang sa kanya dahil pinipigilan lamang daw niya ang asawa na huwag umalis ng bahay.

Walang ng balak pang makipagkasundo si Lhovelyn sa kanyang asawa. Nakapagpasya na siyang tuluyan nang hiwalayan ito at hangad niyang mabigyan ng hustisya ang sinapit niya sa lalaking inakala niyang makakasama niya sa hirap at ginhawa at magmamahal sa kanya ng lubusan.

Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.

E-mail address:
tocal13@yahoo.com

Show comments