‘Pumatol sa driver…’

ANG ISANG RELASYON ay hindi lamang nakabatay sa sekswal. Ito ay dapat na may pagkakaisa sa puso at maging sa isip. Ang kasal ay panghabambuhay. Pinili natin ang taong makakasama. Sumumpa sa harap ng Diyos kaya malaking kasalanan ang magnasa ng asawa ng iba lalo na ang pakikiapid ng babae sa ibang lalaki.

Ganito ang nangyari sa mga magulang ni Mary Joyce Zafe ng Brgy. Palatiw, Pasig City na kinahantungan ng isang trahedya.

May junkshop ang mga magulang ni Mary Joyce, sina Rosemarie at Jose Zafe, ang biktima sa kasong ito. Naging matagumpay naman ang negosyong ito ng mga Zafe. Marami silang naging tauhan at kasambahay sa bahay kabilang na rito ang suspek na si Benjie Arabis.

Taong 2000 nang maging truck driver ng mga Zafe si Benjie. Bandang 2003 naman na itinalaga itong family driver. Tinuring na kapamilya dahil sa tapat nitong paglilingkod subalit ito pala ang tutuklaw sa biktima.

Ayon kay Mary Joyce, si Benjie ang madalas na kasama ng kanyang ina, si Rosemarie sa pangongolekta. Halos araw-araw ay pinagmamaneho niya ito na marahil na naging dahilan ng pagiging malapit nito sa isa’t isa.

Samantala usap-usapan naman sa kanilang lugar ang di-umano’y pakikipagrelasyon ng kanyang ina sa kanilang driver na si Benjie. Taong 2004 nang magbakasyon ang mga Zafe sa Baguio kasama rin nila ang mga tauhan at kasambahay sa bahay. Dito ay nakumpirma ni Jose na may katotohanan ang balitang pakikipagrelasyon ng asawa sa kanilang driver.

"Nabasa ng Papa ko ang cellphone ng Mama ko, kaya nalaman niyang may relasyon nga ang dalawa. Nag-usap silang dalawa hanggang sa magdesisyon si Papa na pauwiin na ng Manila si Benjie. Pinipigilan pa ng Mama ang driver na mamasahe at pilit na pinapasabay sa pag-uwi namin," kuwento ni Mary Joyce.


Hindi na pinagtuunan ng pansin ni Jose ang kanyang nadiskubre subalit patuloy pa rin ang balita tungkol sa kanyang asawa at sa kanilang driver. Minsan ay nahuli ng isang kamag-anak si Rosemarie at si Benjie na magkasama sa mall. Ipinaalam ito kay Jose at agad namang pinuntahan.

Huli sa aktong magkasama ang dalawa. Tuluyan nang pinaalis ni Jose si Benjie habang si Rosemarie naman ay muling binigyan ng pagkakataon ng asawa.

Inakala naman ni Jose na tapos na ang umano’y relasyon nina Benjie at Rosemarie. Magmula nang paalisin ni Jose ang driver ay madalas namang umalis si Rosemarie ng bahay. Kung minsan daw naman ay hatinggabi na umuwi ito at may pagkakataong hindi pa umuuwi. Nobyembre 2005 nang maghiwalay ang mag-asawa.

"Nakita uli ni Papa na hatinggabi na ay katagpo pa nito si Benjie. May nagsabi sa kanya na nasa hihgway si Mama kausap si Benjie. Nang mahuli sila, nakuha pang ipagmalaki ni Benjie na ang Mama ko pa ang lumalapit sa kanya hanggang sa nagkasagutan sina Benjie at Papa," salaysay ni Mary Joyce.


Matapos ang tagpong iyon, nag-usap naman sina Rosemarie at Jose sa harap ng magulang ng una. Napagkasunduang mas makabubuti kung sa bahay na lamang ng mga magulang ni Rosemarie ito manatili habang ang mga anak nila ay maiiwan kay Jose.

Hindi na lamang inintindi nina Mary Joyce ang lungkot ng buhay na hindi nila kapiling ang kanilang ina. Gayunpaman, sa mga sandaling iyon ay nakaagapay sila sa kanilang ama.

Ika-21 ng Marso 2006 bandang alas-9 ng umaga sa loob ng Junkshop na pag-aari ng biktima, sa 284 Market Ave., Brgy. Palatiw, Pasig City naganap ang insidente.
Dalawang lalaki ang pumasok sa nasabing junkshop lulan ng isang motorsiklo. Unang pumasok sa bakuran ang lalaking nakasuot ng helmet, ayon sa saksi na si Anita.

Binitbit pa raw nito ang batang lalaki, si Nono na isa ring boy sa junkshop at ipinasok pa raw ito sa banyo at hinarangan ang pinto. Kasunod nito ay ang pagpasok ng isa pang lalaki sa bakuran ng mga Zafe.

"Nakita raw ng witness namin na nakaupo ang Papa ko at narinig niyang nagsasagutan na ito hanggang sa nagkasuntukan pa. Pinalo pa raw ng baril ang ulo ni Papa at pagkatapos ay sinabi raw ng lalaking nakasuot ng helmet na ‘Pare, tirahin mo na!’ Pagkatapos ay ipinutok na nito ang baril," salaysay ni Mary Joyce


Dalawang tama ng bala sa katawan ang tinamo ng biktima. Matapos naman ang ginawang pamamaril, mabilis na tumakas ang dalawang suspek lulan ng motorsiklo na dala-dala ng mga ito.

Samantala, nakarinig naman ng putok ng baril noon ang kapatid ni Mary Joyce, si Vincent. Sumilip ito sa bintana pero wala naman siyang nakita kung saan nagmula ang putok ng baril kaya binalewala na lamang niya ito. Sa ikalawang pagkakataon muling nakarinig si Vincent ng putok ng baril. Pagkatapos ay nakita na lamang niya ang kanyang ama na nakahandusay sa lupa at may tama ng bala.

Agad nila itong sinugod sa Pasig General Hospital subalit sa kasamaang-palad ay dead-on-arrival na ito.

Nagsampa ng kaso ang pamilya ni Jose laban sa suspek na si Benjie matapos kilalanin ng testigo na ito ang responsable sa pagkakapaslang kay Jose. Nagkaroon ng preliminary investigation subalit hindi naman dumalo ang suspek sa hearing. May warrant of arrest na rin kaya hangad ng pamilya ng biktima na mabigyan ng hustisya ang pagkamatay nito.

Para sa anumang impormasyon na makakapagbigay- alam sa kinaroroonan ng suspek, maaari kayong tumawag sa 6387285 o ’di kaya’y sa 6373965-70. Maaari rin kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
* * *
E-mail address: tocal13@yahoo.com

Show comments