Ganito ang nangyari sa biktima matapos harangin ng dalawang suspek ang pagkanta nito.
Nagpunta sa aming tanggapan ang maybahay ni Severino, si Zeny upang humingi ng tulong hinggil sa sinapit ng kanyang asawa. Pulitika ang sinasabing dahilan ng pamilya sa kasong ito.
Walang hinangad ang biktimang si Severino Marqueses ng Brgy. Ambulong, Tanauan City kundi ang maglingkod sa kanyang bayan. Likas na matulungin kaya naman marami sa kanyang mga kababayan ang kanyang natutulungan.
Taong 1994 hanggang 2002 nang maging kapitan ng nabanggit na barangay ang biktima. Nakalaban nito ang isa sa dalawang suspek, si Jovito Holgado. Sa pagkakapanalo ni Severino hindi akalain ng pamilya nito na magtatanim ng galit si Jovito.
Naging maayos naman ang panunungkulan ni Severino dahil likas na rito ang pagiging mabait sa kapwa at maasahan sa oras ng pangangailangan ng kanyang mga nasasakupan, ayon kay Zeny. Maging sa nakatunggali nitong si Jovito ay maayos naman ang kanilang pakisamahan. Walang nakita ang pamilya ni Severino ng bahid ng sama ng loob at inggit kay Jovito dahil madalas naman ay nagkakaharap ang dalawa.
Nagkaroon muli ng barangay eleksyon noong 2002 subalit hindi na pinalad si Severino na manalo subalit naitalaga naman ito sa Civil Security Unit sa kanilang munisipyo habang si Jovito naman ay naging barangay treasurer.
Ika-12 ng Pebrero 2006 sinabihan ni Severino ang kanyang asawa at anak na dumalo sa kasalan ng anak ni Roque Anciado, sina Rizza at Bonifacio sapagkat hindi siya makapupunta dito dahil aasikasuhin nito ang pagpuputol ng kawayan para sa gagawin nitong kubo.
Lingid sa kaalaman nina Zeny na nagpunta rin si Severino sa kasalan. Samantala ang anak naman nitong si Zenaida ay kasalukuyang napadaan at nakita nito ang ama. Umuwi lamang daw ito ng bahay upang kuhanin ang naiwang pera.
"Tinanong pa raw ni Severino sa aking anak na si Zenaida kung pupunta siya sa City Hall at nagsabi naman itong sabay na sila. Nakihalubilo na ito sa mga bisitang nagkakantahan. Nang malapit na raw itong kumanta ay binitbit pa nito ang silya malapit sa videoke," salaysay ni Zeny.
Nang makaupo na si Severino malapit sa videoke ay bigla na lamang lumapit si Jovito kasama nito ang isa pang suspek na si PO2 Rizaldo Anciado. Patraydor na binaril ng dalawa ang biktima. Kitang-kita naman ni Zenaida na pinagbabaril ng mga ito ang kanyang ama. Nagbigay rin ng salaysay ang testigong si Glaiza Carolina. Sinabi nitong nakita niya sina Jovito at Anciado ang bumaril sa biktima.
Matapos ang insidente ay mabilis na tumakas ang mga suspek palayo sa pinangyarihan ng krimen. Samantala agad namang dinala sa ospital ang biktima subalit binawian na rin ito ng buhay.
"Ibinalita sa amin ng hipag ko na nabaril ang asawa ko. Nagulat nga ako dahil ang alam ko ay hindi siya dadalo sa nasabing okasyon," sabi ni Zeny.
Nagsampa ng kaso ang pamilya laban sa mga suspek na si PO2 Anciado at Jovito. Nakulong naman si Anciado matapos na positibong kilalanin ng testigo na isa sa mga bumaril sa biktima. Subalit si Jovito naman ay nakakalaya pa rin.
Mariin namang itinanggi ni PO2 Anciado ang akusasyon laban sa kanya. Sinasabi nito sa kanyang kontra-salaysay na wala siya sa pinangyarihan ng krimen dahil naka-assign ito sa Calatagan, Batangas. Subalit positibo ang mga nakakita na isa ito sa mga salarin.
Marami ang nakasaksi sa pangyayari subalit takot ang mga ito na magbigay ng kanilang mga pahayag sa takot na baka sila naman ay balikan ng mga suspek, ayon sa pamilya ng biktima.
Matapos ang preliminary investigation na isinagawa ni Prosecutor Marcelo Cuevas ifinorward naman ito sa Office of the Ombudsman dahil kapwa naglilingkod ang mga ito sa gobyerno.
"Lumapit kami sa inyo upang mapabilis ang paglabas ng resolution. Nangangamba kami dahil baka balikan kami ng mga suspek lalo na si Jovito na kasalukuyang nagtatago. Pinagbabantaan na rin ang pamilya namin," pahayag ni Zeny.
Hangad ng pamilya ng biktima na mabibigyan ng hustisya ang pagkakapaslang kay Severino. Umaasa din sila na pagbabayaran ng mga suspek ang kanilang ginawang krimen.
Para sa anumang impormasyon na makakapagbigay-alam sa kinaroroonan ng suspek, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong mag-text sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.