Sensitibong isyu ang nuclear test na isinasagawa ng North Korea sa kabila ng pagtutol ng nakararaming bansa sa daigdig. Kapag nagdeklara raw ng sanction ang United Nations laban sa North Korea upang pilitin itong itigil ang pagsasagawa ng nuke test, ituturing nila itong declaration of war. Isang South Korean ang nakatakdang pumalit sa puwesto ni UN Secretary General Koffi Anan. Sanay may magawa siya para huminahon ang North Korea at itigil na ang pangangalandakan sa kakayahang magpasabog ng mapamuksang sandata.
Nagsisiga-sigaan ang NoKor at gigil na gigil naman si Uncle Sam. Sariwa pa sa gunita natin ang ginawa ng Amerika at mga kaalyadong puwersa sa Iraq. Sa hinala pa lang na nag-iingat ng weapons of mass destruction nilusob ito hanggang sa magkawarak-warak ang Iraq. Wala namang arsenal ng mga mapamuksang sandata na natuklasan. Eh itong NoKor ay may pruweba nang pinasabog. Napakatapang pa ng dyaske na i-anunsyo sa daigdig ang planong subukan ang kanilang sandata sa kabila ng pagtutol ng mga peace loving countries na nababahala sa perhuwisyong idudulot ng ganyang mga pagsubok.
Puwedeng magpatupad ng mga economic sanctions ang UN. Pipigilin ang daloy ng kalakalan at ayudang pinansyal dito para mapuwersang ihinto ang ginagawang kabalbalan. At kung magmatigas pa, posibleng Iraq formula na ang gawin. Ibig sabihin, lulusubin ang gigiyerahin. Iyan ang scenario na nakatatakot dahil malamang maging mitsa ng isang digmaang tatapos sa daigdig. Sa isang digmaang nukleyar, lahat talo.
Sanay na ang mundo sa mga digmaan. Hindi na mabilang ang mga giyerang nangyari sa daigdig sapul nang tumalino ang mga tao. Pero alls well that ends well ika nga. Wala pang mga sandata noon na puwedeng lumusaw sa mundo. Iba ngayon. Ang giyera ay mabilis at maaaring sa isang iglap ay tapos na. Pati tayo tapos din. Ano man ang pananampalataya natin, ipanalangin natin sa Diyos na huminahon ang NoKor na mapagtantong ang ginagawa nitong pagpapamalas ng lakas ay walang buting magagawa sa buong daigdig, pati na sa mga North Koreans.
Email me at alpedroche@philstar.net.ph