Pansinin po ninyo na ang binabaan lamang ay ang timbang, at hindi ang presyo ng pandesal. Sa madaling sabi, ang presyo ng maliit na pandesal (25 gramos dapat) ay piso pa rin (dapat) at ang presyo ng malaking pandesal (50 gramos dapat) ay dalawang piso pa rin (dapat). Kahit pareho pa rin ang presyo (dapat), talaga namang lalaki pa rin ang gastos ng mga tao, dahil kailangan na nilang bumili ng dagdag na tinapay upang mabusog sila katulad ng dati, base sa kanilang konsumo.
Malungkot man sabihin, 100 percent ng arina na ginagawang tinapay ay imported, bagamat may mga "reformulated" na arina na ginagawang mas mura kahit imported pa rin ang sangkap. Dahil sa kahirapan sa buhay, problema na ang mataas na halaga ng bilihin ngunit lalo pang hihirap ang buhay kung lalo pang tataas ang mga bilihin.
Sa tingin ko, ang isang sanhi ng pagtaas ng presyo ng arina ay ang corruption sa importation nito, at kasama na rin diyan ang smuggling. Kahit wala nang magagawa ang gobyerno sa presyo ng pag-angkat, may magagawa pa ang gobyerno sa pagsugpo ng corruption, at ito ang dapat nilang tutukan. May pag-asa pa kayang kumilos ang gobyerno upang matigil ang corruption at smuggling?