EDITORYAL Pinagkakasya ang P36 isang araw
October 10, 2006 | 12:00am
SA maniwala o hindi, 26 milyong Pinoy ang pinagkakasya ang P36 sa isang araw para pambili ng pagkain. Natututuhan nilang mabuhay sa halagang P36. Hindi ito kasya pero napagkakasya at maituturing na pinaka-mahirap ang Pinoy na nagtitiis sa P36 para mabuhay. At ano naman ang pagkaing nabibili ng P36? Ayon sa pag-aaral na isinagawa ng Global Call to Action Against Poverty-Philippines (GCAP-Philippines) mga pagkaing walang sustansiya na naglalagay sa mga Pinoy sa masamang estado ng kalusugan.
Ano nga ba ang aasahan sa P36 isang araw? Sa isang kilong bigas na lang ay halos maubos na ang P36. Sa kasalukuyan, ang kilo nang pinakamurang bigas ay mahigit P20. Ipaghalimbawang makabili ng isang kilong bigas sa halagang P20, may matitira pang P16. Ang natirang P16 ay ibili ng isang latang sardinas. At kung isang pamilya ay may limang miyembro, magkakasya kaya ang isang latang sardinas na ang laman lang ay apat na maliliit na isda?
Sabi ng GCAP, kailangang kumita ang isang tao ng P13,113 isang taon para hindi siya mapabilang sa mga tinatawag na ubod nang hirap. Sa kuwenta ng GCAP kailangang gumastos ang isang tao ng humigit-kumulang P8,734 para sa kanyang pagkain at P4,479 para sa iba pa niyang pangangailangan gaya ng damit.
Nagsagawa na rin ng pag-aaral ang GCAP noong 2001 at wala silang nakitang pagbabago sa kalagayan ng buhay mula noon. Ang mahihirap na Pinoy na nabibilang sa Class D at E ay nakararaos sa pamamagitan ng pag-uulam ng toyo, asin, bagoong at mantika. Nakabibili sila ng softdrink at kape pero hindi ng isda, gulay at karne. Ang instant noodles ay isa sa mga mabiling pagkain sapagkat kailangan lang na mailagay sa kumukulong tubig at mairaraos na ng mahihirap na pamilya ang kanilang almusal, tanghalian o hapunan.
Only in the Philippines ito sapagkat batay pa rin sa pag-aaral may mas mataas na insidente ng kahirapan sa bansang ito kung ikukumpara sa Laos at Cambodia. At dahil sa nakikitang labis na kahirapan, naalarma ang United Nations Childrens Emergency Fund (Unicef) sa nakitang 30 percent child malnutrition sa bansa.
Maraming Pinoy ang nagtitiis sa P36 isang araw at nararapat nang makita ng gobyerno ang kanilang kahinaan sa pamumuno at ang kakulangan sa pagkalinga sa mahihirap.
BrandSpace Articles
<
>
- Latest
- Trending
Trending
Latest
Trending
Latest
Recommended




















