Kakatawa ang order na ito ng pamahalaan. Ano pa ang babaklasin ng DPWH ay halos lahat ng mga higanteng billboards ay idinapa ni Milenyo. Karamihan ng mga billboard sa kahabaan ng EDSA ay bumagsak nang tumama sa Metro Manila si "Milenyo" noong nakaraang linggo. Ang masaklap tumama ang billboards sa mga sasakyan, poste ng kuryente at ilang bahay. Isang lalaki ang naiulat na namatay dahil nabagsakan ng billboard.
Ngayon ay nag-utos na nga ang pamahalaan na wasakin ang mga mapanganib na billboards pero ano pa nga ang wawasakin gayong nawasak na ni Milenyo. Mabibilang na ang mga nakatayong billboard na nagpatunay na mahina ang istruktura ng mga ito? Kung hindi pa natesting ni Milenyo ay hindi mapapatunayan na mapanganib ang mga higanteng billboards.
Tuloy pa rin ang paglalagay ng mga billboard sa mga highway sapagkat hindi naman totally ang pagbabawal ng pamahalaan sa mga ito. At sa ganitong kautusan ng pamahalaan, makikita sa mga darating na panahon ay muling susulpot ang mga naglalakihang billboards at mayroon na namang malalagay sa panganib ang buhay.
Ang inaasahan ng mamamayan na gagawin ng pamahalaan ay tuluyan nang ipagbawal ang mga billboard. Pero hindi ganito ang takbo ng mga pangyayari kundi idadaan lamang sa mahigpit na regulations ang paglalagay ng mga giant billboard. Sabi pa ng Malacañang, isi-certify ni President Arroyo na madaliin ang pagpapasa ng batas na inihain ni Sen. Miriam Defensor-Santiago na nauukol sa paghihigpit sa paglalagay ng giant billboards. At agad nga ring inatasan ng Malacañang ang DPWH na magsagawa ng inspections at evaluations sa mga billboard para malaman kung ang mga ito ay hazardous o hindi.
Mahigpit ngayon ang gobyerno kapag may kinalaman sa billboards at ang tanong ay hanggang kailan naman ang paghihigpit na ito. Siguro kapag tumigil na ang mga pagdalaw ng bagyo ay ganap na ring matitigil ang paghihigpit at saka lamang mabubuhay kung panahon na uli ng bagyo.