Ewan ko ba, di na natapos-tapos ang problema sa text scam na nanloloko sa marami nating kababayan. Ang siste, hindi lang indibidwal na tao ang tinatamaan kundi pati mga institusyong tulad ng PAGCOR.
Mayroon daw mag-asawang nagtungo sa tanggapan ng PAGCOR upang i-claim ang kanilang P1 milyon napanalunan sa Premyo sa Resibo promo ng BIR at PAGCOR. Natameme ang PAGCOR dahil hindi naman daw sila ang nanalo kundi nabiktima lang ng isang text scammer na nagpakilalang kagawad ng korporasyon at sinabing nagwagi sila ng P1 milyon.
Masakit na biro. Ikaw man ang lumagay sa katayuan ng mag-asawa, baka atakihin ka sa puso. Isang milyon na, nawala pa! Napag-alaman ng PAGCOR na itoy bagong modus operandi. Papapaniwalain ang kanilang prospective victims na nanalo sila at ito ang magsasa-ayos ng claim kapalit ng karampatang halaga.
Agad inatasan ni PAGCOR Chair Efraim Genuino ang security chief ng ahensya na si Miguel Leonardo upang tukuyin ang tunay na identity ng nagpakilalang "Ben Ruiz" sa mga biktima. Nagpakilala diumano si Ruiz sa mga biktima na empleado ng PAGCOR at nag-oopisina sa lumang tanggapan ng PAGCOR sa Roxas Blvd., Ermita. Manila.
Ang cell number na ibinigay ni Ruiz sa kanyang mga nabiktima ay kabilang na sa mga nasa watchlist ng PAGCOR. Nakikipag-ugnay na rin ang korporasyon sa NBI para maputol na ang sungay ng nanlolokong ito.
Ang suspek ay humihingi umano ng litrato at ilang personal na impormasyon sa mga prospective victims at mangangakong pabibilisin ang claim ng kanilang premyo kapalit ng malaking halaga. At alam nyo na ang mangyayari kapag ang biktimay naghatag na ng lagay. Maglalahong parang bula ang manloloko.
Ingat lang po tayo mga kaibigan.