Sampung beses nilabag ang batas, ani Singson: (1) Tinalikuran ng BHI ang pangakong gumawa ng 80-ektaryang industrial area at expanded seaport sa halagang P840 milyon. Ang itinayo lang ay two-storey building opisina ng Poro Point Industrial Corp., na joint venture ng BCDA at BHI. (2) Ni hindi nagsumite ang BHI ng master development plan (MDP) na dapat sanay batayan ng pagsunod sa mga obligasyon nito sa BCDA. (3) Wala ring technical, marketing at financial studies ang DHI, pruweba na wala itong balak sumunod sa alituntunin ng kontrata para sa pagtayo ng "seaport of international caliber." (4) Malakas ang loob ng BHI gawin ang naunang tatlo dahil hindi sila hiningan ng BCDA ng performance bond, na kailangan sa lahat ng public works projects.
(5) Ang PPIC ay 30% pag-aari ng BCDA at 70% ng BHI. Dahil dito, minaliit ng BHI ang pag-aari ng BCDA. (6) Hindi ito nagtawag ni minsan ng stockholders o board meeting. Hindi rin nagbayad ng dibidendo sa mga magkasosyo miski puro tubo ito, walang utang, at wala ngang ginasta sa infrastructures. (7) Umatras ang Philippine Ports Authority sa Poro Point nung 1999, at iniatas sa BCDA subsidiary Poro Point Management Corp. ang pagpapatupad ng mga batas pam-puerto. Hindi kinilala ng BHI ang awtoridad na ito ng BCDA-PPMC. (8) Hindi rin kinilala ng PPIC ang palakad ng PPMC at pier. (9) Ipinaubaya ng BHI ang stevedoring at cargo handling sa ibang kumpanya, ang Poro Point Integrated Services Inc., kaya nawalan ng parte sa kita ang BCDA. (10) P50 milyon lang ang buwanang upa na iginarantiya ng BHI sa BCDA, gayong mahigit dito ang dati nang kita ng gobyerno.