Una rito ang walang tigil na hirit ni House Speaker Jose De Venecia na lahat ng bansang ang sistema ng gobyerno ay parliamentary ay maunlad. Isang malaking kasinungalingan at hindi na kailangang lumayo. Tingnan na lang ang Bangladesh, Somalia, Nepal at Serbia and Montenegro. Ilan lang ho yan sa mga bansang may parliamentary system pero hindi naman maunlad.
Kasinungalingan din ang sinasabi nilang ang mga bansang mauunlad gaya ng China, Malaysia, Singapore at Thailand ay parliamentary. Ang katotohanan lahat nang nabanggit na bansa maliban sa Thailand ay either socialist na hawak ng isang partido lamang o di kayay dictatorship samantalang ang Thailand naman ay may monarchy.
Ganunpaman, patunay uli na katotohanan ang sinasabi ko na wala sa uri ng gobyerno, hindi naman pareho ang China, Malaysia, Singapore, Thailand at kahit na Japan pero bakit maunlad sila. Katotohanan, magaling ang mga pinuno nila, hindi magnanakaw, sinungaling at mandaraya.
Katotohanan, ang pinakamaunlad na bansa sa buong mundo ay ang United States na ang sinusunod ay ang presidential form of government. Katotohanan din, wala sa sistema ng gobyerno ang ikauunlad ng isang bansa kundi nasa pinuno nito. Katotohanan na kahit na maging Prime Minister si Madam Senyora Donya Gloria ay hindi siya matatanggap ng sambayanan dahil hanggang sa araw na ito ay hindi masagot ang mga katanungang nagnakaw ba? nagsinungaling ba? nandaya ba?
Hirit nang hirit ang mga kaalyado ni Madam Senyora Donya Gloria na uunlad ang buhay ng Pinoy dahil magkakaroon ng pagbabago kung lumipat tayo sa parliamentary system ng gobyerno.
Napakalaking kasinungalingan nito. Uunlad ang buhay ng mamamayan kung mawawala ang corruption at hindi sa uri ng gobyerno. Katotohanan, kahit anong klaseng gobyerno basta patuloy ang pandaraya, pagnanakaw, pagsisinungaling at pang-aabuso sa mamamayan ay hindi uunlad ang sambayanan.
Madali raw mapigilan ang corruption sa sistemang parliamentary dahil magkakaisa na ang executive at legislative branch ng gobyerno. Ibig nilang sabihin sa kasinungalingan nilang ito ay mapapadali na ang sabwatan ng Kongreso at Malacañang dahil magiging isa na lamang sila. Katotohanan, mas magiging madali ang nakawan dahil magkakasama na silang lahat gaya ng mga miyembro ng Gabinete na sa sistemang ito ay kabilang na rin sa member of parliament.
Sobra rin ang kasinungalingan sa sinasabi nilang mas madali raw ang pagpapatalsik sa isang corrupt na pinuno. Come on!!! Katotohanan ay lalong hindi mangyayari yun dahil kung dati ang corrupt na Pangulo ang kailangang lagyan ang mga miyembro ng Kongreso at Senado, sa sistemang Parliamentary ay sabwatan na lamang dahil magkakasama na sila sa iisang bubong. Saya saya na nila.
Kasinungalingan din ang ginigiit nila na parehas para sa lahat ang parliamentary form of government pero ang katotohanan ay lamang na lamang ang mga mayayamang kandidato na nais mamuno sa bansa dahil hindi na niya kailangang kausapin pa ang sambayanan, kailangan niya na lang ay tiyaking mayorya ng mga member of Parliament ay mga bataan niya. Typical ho na example rito ay ang Italy na ilang taon pa lamang ang nakaraan ay nagkaroon ng Prime Minister na talagang makapangyarihan at nakapagpanalo ng mayorya ng mga bataan niya sa Parliament.
Hindi siya matanggal-tanggal dahil gaya ng Kongreso natin, dinaan sa dami ng kakampi at mga nakasahod sa grasyang ninakaw naman sa sambayanan. Yan ang katotohanan. Sabwatan ay mapapadali, kutsabahan na narito na sa atin ay lalong tatatag.
Pero higit sa lahat, ang tanging armas ng mga mahihirap, ng masa, ang tanging hawak nila na kapantay ng mga makakapangyarihan ay tuwirang aalisin sa kanila. Mayayaman at makakapangyarihan na lamang ang pipili ng Pinuno ng bansa hindi gaya ngayon na lahat tayo ay pantay pantay na may isang botong pamili ng isang Pangulo.
Kasinungalingan din ang sinasabi nilang naniniwala sila sa demokrasya kaya nais nila ang parliamentary. Ang katotohanan ay nais ng karamihan sa mga kongresista, gobernador at mayor na matuloy ang paglipat sa parliamentary upang walang election at manatili sila sa poder ng ilang taon.
Katotohanan na ang propose constitution na hinanda ni De Venecia at ng kanyang mga kakutsaba at kabarkada ay automatic extension ng kanilang termino at ipagpaliban ang election.
Iilan lang ho yan mga kaibigan kung bakit hindi tayo dapat paloko sa Cha-cha o conass. Puro KASINUNGALINGAN ang ginagawa at tinatago ang KATOTOHANAN na kanilang pinatay at pinapaslang pa. Double dead, triple dead, quadruple dead. Grabe, sobrang kapal.