Tungkulin ng lahat ng sektor sa nursing na pangalagaan ang ethics. Nariyan ang Professional Regulatory Commission na taga-lisensiya, at Board of Nursing nito na taga-eksamen. Nariyan ang mga dekano at guro sa nursing schools at review centers, na tagahubog ng pag-iisip. Nariyan ang Philippine Nurses Association, na tagasulong ng interes ng propesyon. Bantay sila sa ethics ng mga nurse.
Bakit ganun ang higpit sa nursing? Kasi, pangangalaga ito sa tao na ipinagkakatiwala ang buhay. Masakripisyo itong propesyon. Tinuturing na pinaka-masugid na nurse si Florence Nightingale, na namuno sa mga female volunteers kumalinga ng mga sugatan sa Crimean War nung siglo-1800. Iniismiran ng mga doktor nung una si Florence, pero nagpursigi siya. Iginiit ang kalinisan sa ospital at kagamitan; kinukuwentuhan ang mga pasyente para hindi mawalan nang pag-asa. Nung huli, nabawasan ang mga namamatay.
Sa isyung question leakage sa 2006 nursing board exams, winasak ang propesyon ng mga taga-pangalaga mismo nito. Lumabas na ang PNA president mismo ay nanuhol sa examiners (pinasyal sa Switzerland). Itoy dahil may nursing school at review center siya, at kinausap ng 22 dekano ng mahihinang nursing schools. At napakabagal ng PRC umaksiyon.
Basag ang tiwala ng madla sa 2006 nursing examinees. Pati overseas recruiters kabadong i-deploy sila sa magagandang trabaho sa Amerika. Nasira ang ethics ng propesyon. Pero tungkulin ng mga institusyon na linisin ang sariling ranggo at muling itaas ang bandila ng mga nurse. May pag-asa pa, basta malinis nilang hangarin ang panunumbalik ng kabutihan.