Noong May 27, 1988, hiniling na lamang ng PDRC na makipag-ayos si Leo kung saan dapat bayaran nito ang natitirang hulog pati na ang interes na umabot na sa P46,781.76, simula June 18, 1987 hanggang May 18, 1988. Subalit matapos makapagbigay si Leo ng P10,000, hindi na ito muling nagbayad. Kaya, noong January 18, 1989, sa pamamagitan ng isang registered mail, ipinaalam ng PDRC kina Leo at sa mga anak nito ang paggamit ng PDRC ng opsyon na kanselahin ang contract to sell at mapawalang-bisa ang halagang naibayad nina Leo. Naging epektibo ang abiso ng PDRC 30 araw matapos matanggap nina Leo ang registered mail (Section 4 ng R.A. 6552 at paragraph 6, contract to sell). Nang hindi nakabalik ang registry receipt, personal na inabisuhan ng PDRC sina Leo.
Lumipas ang dalawang taon hanggang hilingin na ng PDRC kina Leo na lisanin na nito ang lote upang tumira ang bagong nakabili nito. Tumanggi si Leo at kinuwestiyon niya ang naging aksyon ng PDRC sa Housing Land Use and Regulatory Board (HLURB). Ayon kay Leo, itinigil nila ang paghuhulog dahil hindi raw natapos ng PDRC ang nasabing subdivision kung kaya nararapat lamang ang specific performance at damages laban sa PDRC. Subalit, matapos ang isang ocular inspection na isinagawa ng HLURB, napatunayang nadevelop naman ng PDRC ang subdivision.
Nadismis ang reklamo ni Leo. Ayon sa HLURB Arbiter, legal at mabisa ang pagkansela sa contract to sell pati na ang pagpapawalang-bisa sa mga naibayad na hulog ni Leo. Tama ba ang HLURB?
TAMA. Sa kabuuang halaga ng lote na P189,810, ang nabayaran lamang ni Leo ay P60,506.40 na nangangahulugang 12 lamang ang nabayaran mula sa 60 monthly amortizations.
Ayon sa Section 4 ng RA 6552, kapag ang nabayarang hulog ay mas mababa sa dalawang taon, magagamit nina Leo ang 60 days grace period mula sa naitakdang petsa, upang bayaran ang amortization. At dahil hindi ito natupad nina Leo sa huling araw ng grace period, kinansela ng PDRC ang kontrata 30 araw matapos matanggap nina Leo ang abiso ng pagkakansela. Ayon din sa paragraph 6 ng kontrata, tama ang naging pagkansela ng PDRC sa kontrata at sa pag-angkin nito sa naibayad nina Leo. Tama ring ipagbili ang lote sa ibang taon dahil maituturing na walang kontratang naisagawa sa pagitan ng PDRC at nina Leo.
Wala ring proteksyong makukuha sina Leo mula sa PD 957 dahil na-develop naman ng PDRC ang subdivision (Delos Santos, etc. Court of Appeals, et.al. G.R. 147912, April 26, 2006).