Ang estilong tinutukoy ng BITAG ay ang paraan ng pagpapasahod ng LTD Security Agency sa mga kawawang sekyu.
Nung una, tanging pagka-delay ng kanilang mga sahod at SSS at PhilHealth remittances ang reklamo ng mga kawawang sekyu. Pumunta sila sa tanggapan ng BITAG.
Sa pag-iimbestiga ng BITAG, natuklasan namin ang modus sa tulong na rin ng mga dokumentong dinala nila sa BITAG.
Ang mga dokumento ay naglalaman ng mga katibayan kung paano lokohin ang mga sekyu sa kanilang sahod. Ang tinutukoy ng BITAG ay ang overtime ng mga kawawang sekyu na mahigit na sa anim na taong naninilbihan sa LTD Security Agency ay wala man lamang nakuhang bayad sa sobrang pag-duty.
Ang sabi raw sa kanila ng accounting department, wala raw binibigay na overtime pay ang mall kung saan sila nakatalaga.
Pero nang makita namin ang kopya ng payroll ng mga sekyu, galing daw iyon mismo sa isang empleyadong nasa accounting department ng LTD Security Agency.
Ang ginagawa ng mga taong magpapasahod sa mga sekyu, pagpapatungin ang dalawang papel pero sa likod nakalagay ang halaga ng overtime sa halip na sa harap ng papel.
Pagdidikitin ang dalawang papel na ang nakalabas lang ay yung bahaging pipirmahan ng sekyu. Kayat pagpirma ng sekyu, lusot ang security agency. Sa madaling salita, kahit hindi nakuha ng sekyu ang overtime pay, kayang-kaya nilang ipaglaban na nakuha dahil may pirma ang pobreng sekyu.
Malinaw na panloloko ang ginagawa ng LTD Security Agency pero hindi pa rin inaalis ng BITAG na ang kalokohang ito ay maaaring lingid sa kaalaman ng may-ari o kung sinumang nagpapatakbo ng security agency na ito.
Dahil ang kapritsuhang itoy maaaring gawa-gawa lang ng ibang malilikhaing empleyado ng LTD Security Agency.
Magsilbi sana itong babala sa pamunuan ng LTD Security Agency. Ituwid nyo ang maling gawain na ito hanggat may panahon pa. Kapag BITAG na ang kumilos at nag-imbestiga sa reklamong ito, mananagot kayo!