Inilahad ni Enrico Santiago ng Calamba, Laguna ang umanoy tangkang pagpatay sa kanya at sa iba pang mga kaibigan nito ng suspek.
Ika-15 ng Agosto 2004 bandang alas-10 ng gabi nang maganap ang insidente. Napagkasunduan ng mga kaibigan ni Enrico na sina Agustin at Simeon na magtungo sa isang videoke bar upang mag-inuman.
"Nagkayayaan lang kami noon dahil sa lingguhan kung umuwi si Simeon dahil nagtatrabaho ito sa isang construction," kuwento ni Enrico.
Sakay ng isang tricycle ang magkakaibigan na minamaneho ni Agustin. Habang binabagtas ang daan papunta sa isang videoke bar dalawang lalaki ang umanoy pasuray-suray na naglalakad sa gitna ng kalsada. Kinilala ang mga ito na sina Gilberto Castillo at Cesar Castro na pawang mga lasing na.
"Dahil nasa gitna sila ng kalsada at nang malapit na kami sa likuran nila sinabihan sila ni Agustin na Sir, makikiraan lang," sabi ni Enrico.
Umiwas naman ang mga ito subalit ilang metro pa lamang na nakakalayo ang tricycle nang sigawan at murahin ni Gilberto ang mga sakay ng tricycle. Ipinahinto naman ni Simeon ang kanilang sinasakyan. Tinanong nito ng mahinahon si Gilberto kung bakit sila minura nito.
"Sa halip na sumagot ng maayos ay dinuro niya si Simeon. Akma pa sanang susugurin nito si Simeon pero pinigilan siya ng kasama niya," salaysay ni Enrico.
Matapos ang enkuwentro ay umalis na umano ang magkakaibigan. Minabuti na lamang ng mga ito na huwag pansinin si Gilberto dahil nasa impluwensiya ito ng alak. Marahil dahil sa labis na kalasingan nito kaya ganoon ang kanyang ikinilos.
Dumating ang magkakaibigan sa videoke bar. Umorder ng maiinom na beer at habang naghihintay ay nag-request umano si Agustin para kumanta. Samantala habang nakikinig sila sa kinakanta ni Agustin napalingon si Simeon sa gawing kanan nito. Nakita niyang sinusutsutan at sinesenyasan siya ni Gilberto.
"Hindi naman pinansin ni Simeon ang pagtawag ni Gilberto pero panay pa rin ang sutsot nito. Napansin din niyang nakahawak si Gilberto sa bandang kanan ng baywang nito," sabi ni Enrico.
Ayaw pa rin umanong tumigil ni Gilberto sa pagtawag nito kay Simeon. Sinabihan naman ni Simeon si Gilberto na siya ang lumapit dahil siya ang may kailangan. Marahil nairita si Gilberto sa isinagot ni Simeon kaya bigla umano nitong binunot ang baril at pinaputukan ang huli.
Subalit hindi naman ito natamaan kaya ang binalingan naman umano nito ay isa pang kasama nito, si Agustin kasunod ay si Enrico naman ang kanyang pinaputukan.
"Binaril niya ako pero sa ibang tao naman ito tumama, kay Guillermo, na kasama din namin sa isang table at nadaplisan lamang ito sa kamay. Dahil sa naging alerto ako, nilundag ko ang baril na hawak ni Gilberto hanggang sa napagbuno na kami," sabi ni Enrico.
Hindi umano magawang maawat sa pagpapatuok ng baril ang suspek. Sa kasamaang palad, tinamaan sa kamay si Enrico. Samantala nang makita ni Simeon na may tama ng bala ang kaibigan ay agad naman niya itong tinulungan hanggang sa mabitawan ni Gilberto ang baril na hawak nito.
"Pinagtulungan na namin si Gilberto para huwag na itong magpaputok ng baril. Humingi kami ng saklolo pero wala namang tumulong at kahit na pulis ay wala ring rumesponde. Hanggang sa maramdaman kong may tama na ako," salaysay ni Enrico.
Nasakote naman ng magkakaibigan ang suspek kaya na awat umano ang pagwawala nito. Agad namang tumawag ng pulis ang isa sa mga kasama nila upang ireport ang nangyaring insidente.
"Hinuli naman agad si Gilberto ng mga pulis at ikinulong siya. Nagbigay kami ng salaysay sa mga pulis," sabi ni Enrico.
Kasong attempted homicide at serious physical injuries ang kasong isinampa laban kay Gilberto. Pansamantala namang nakalaya ang suspek matapos nitong magpiyansa subalit hindi na ito nagpakita pa sa kanilang lugar.
"Tuluyan nang nagtago si Gilberto. Nang dahil sa naging tama ko sa kamay ay hindi ako makakuha ng maayos na trabaho," pahayag ni Enrico.
Hangad ng mga nabiktima ni Gilberto na mabigyan ng hustisya ang nangyari sa kanila. Umaasa sila na mahuhuli rin ang suspek upang pagbayaran nito ang krimeng kanyang ginawa.
Nais kong pasalamatan ang tanggapan ni Administrator Benedicto Ulep ng Land Registration Authority sa walang sawa niyang pagpapadala ng representative sa aming tanggapan para sa may mga problema sa lupa. Nagpapasalamat din ako kay Engr. Porferio Encisa Jr., Chief, Subdivision and Consolidation Division ng LRA.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 0 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Abangan ang ibat ibang isyung tatalakayin sa aming radio program HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.
E-mail address: tocal13@yahoo.com