SONA ni GMA

NAKAIINGGANYO at nakapagbibigay ng pag-asa ang mga mensahe ni President Gloria Macapagal-Arroyo sa kanyang State of the Nation Address (SONA) noong Lunes. Sa wakas, may pangkalahatang larawan siyang iginuhit kung saan dapat tumungo ang bansa. Nakatulong din na kinilala niya ang mga tao na kanyang kaagapay sa pagsusulong ng mga programa para sa pagsugpo ng kahirapan.

Hindi matatawaran ang galak ng mga nakikinig sa kanya na tuwina’y pumapalakpak sa bawat pangungusap na kanyang binibitawan, kaya naitala ang 166 na palakpak sa kanyang SONA.

Maigi rin na binanggit niya ang mga halaga na kailangang gugulin sa mga proyekto at kinilala ang mga bansang tumutulong sa ating bansa upang maisulong ang mga programa’t proyekto. Mas maigi sana kung binigyan niya ng kabuuang halaga ang mga tustusin, kung saan kukunin ang mga ito, sino ang mga pagkakatiwalaan upang ito’y tiyakin na maisasakatuparan at kung sino ang mga mananagot kung ang mga halagang pera ay hindi magugol ayon sa itinakda.

Kung ganoon ang kanyang ginawa, mas makikita ng mamamayan na may "transparency" sa mga tustusin at may mga mananagot kung ang mga perang inilaan sa mga proyekto ay bigla na lamang maglaho.

Hindi maiiwasan na may mga tao at grupo na patuloy na pupuna sa SONA ni GMA. Ito ay dahil sa iba’t ibang "agenda" ng mga naturang tao at grupo. At tama si GMA na puwede niyang harapin ang kanyang mga kritiko, datapwat hindi niya dapat pag-aksayaan ng oras ang mga ito, kung wala namang positibong idudulot para sa bansa.

Masasabi kong masarap ang tinapay kung ito’y ating makakain. Sana nga’y dumating ang panahon na bawat Pilipino ay makatikim ng tinapay ng kaunlaran. Ngunit dapat din nating alalahanin na upang magkaroon ng tinapay, dapat lahat ng mga sangkap sa paggawa na ito ay pinagpupunyagian.

Show comments