Sa katunayan, mula pa 1985, pinayagan na nina Lily at ng kanyang tiyuhin ang pagsasaka ni Dario sa lupa sa kundisyong bibigyan sila nito ng parte sa ani. Nagkaroon na rin ng pagkakataong binawi ni Lily kay Dario ang bukirin dahil hindi ito nagbigay ng ani subalit dahil malalim na ang pagkakaibigan ng mga ito, pumayag si Lily sa kundisyong ipagpapatuloy ni Dario ang pagbibigay sa kanya ng ani at ang paghuhulog sa Land Bank. Tumagal ng 11 taon ang kasunduan nina Lily at Dario. Subalit noong April 2, 1986, naghain si Dario at ang opisina ng DAR sa pamamagitan ng Provincial Agrarian Reform Officer at Regional Director nito ng petition for cancellation of the Certificate of Land Transfer and Emancipation Patent sa pangalan ni Lily upang iisyu ang bagong certificate at patent sa pangalan ni Dario.
Samantala, kinuwestiyon ito ni Lily at iginiit na ang emancipation patent at TCT ay inisyu na sa kanyang pangalan kaya ang pagmamay-ari niya sa bukirin ay tiyak na katibayan at hindi na maaari pang kuwestiyunin. Bukod pa rito, sinabi rin ni Lily na si Dario ay walang magandang layunin bilang nangungupahan kaya hindi maituturing na lumabag siya sa kundisyon ng Certificate of Land Transfer. Tama ba si Lily?
MALI. Ang paggawad ng emancipation patent ay hindi nagbibigay ng proteksyon sa pagmamay-ari ng natanggap na lupa. Ito ay maaaring makansela kapag may paglabag sa Agrarian Reform Laws.
Sa kasong ito, malinaw na si Dario ang tunay na nagsaka ng bukid at ang nagbibigay ng parte ng ani kay Lily. Si Dario rin ang naghuhulog sa Land Bank. Nagpapakita lamang ito na ang hinihinging elemento ng personal na pagsasaka ay hindi nagampanan ni Lily. Sa katunayan, naging land- lord si Lily. Ang gawaing ito ang isa sa mga winawakasan ng Agrarian Reform Program.
Ang pag-amin ni Lily na tumatanggap siya ng parte sa ani mula kay Dario dahil si Dario ang nagsasaka ng bukid ay isang pagkilala na si Dario ay nangungupahan sa kanya.
Kaya, maituturing na may implied contract of tenancy sa pagitan nina Lily at Dario na isang paglabag sa kundisyon ng Land Title na iginawad kay Lily (Ayo-Alburro vs. MAtobato, G.R. 155181. April 15, 2005. 456 SCRA 399).