Sa Ebanghelyo sa araw na ito, ika-15 Linggo ng Ordinaryong Panahon sa ating liturhiya, maririnig natin si Jesus na nagsusugo sa kanyang 12 Alagad upang kanilang gampanan ang gawain o misyon na iniatang sa kanila (Marcos 6:7-13).
Nilibot ni Jesus ang mga nayon sa paligid upang magturo. Tinawag niya ang 12 alagad, at sinugong dala-dalawa. Binigyan niya ang mga ito ng kapangyarihang magpalayas ng masasamang espiritu at saka pinagbilinan: "Sa inyong paglalakbay, huwag kayong magdala ng anuman, maliban sa tungkod. Ni pagkain, balutan, salapi sa inyong lukbutan o bihisan, ay huwag kayong magdala. Ngunit magsuot kayo ng panyapak." Sinabi rin niya sa kanila, "At sa alinmang tahanang inyong tuluyan manatili kayo roon hanggang sa pag-alis ninyo sa bayang iyon. Kung ayaw kayong tanggapin o pakinggan sa isang dako, umalis kayo roon at ipagpag ninyo ang alikabok ng inyong mga paa, bilang babala sa mga tagaroon." Humayo ang 12 Alagad at nangaral sa mga tao na pagsisihan nila at talikdan ang kanilang mga kasalanan. Pinalayas nila ang maraming demonyo sa mga inaalihan nito; pinahiran nila ng langis at pinagaling ang maraming maysakit.
Ang misyon ng 12 Alagad ay atin ding misyon sa kasalukuyang panahon: Mangaral tungkol kay Jesus at sa pagsisisi sa mga kasalanan, magpagaling sa mga maysakit at magpalayas ng mga demonyo.