Reklamong demosyon ng mga State Auditors

KASO ito ng mga auditor ng Commission on Audit (COA) sa Cordillera Administrative Region (CAR): Matilda at Rissa bilang State Auditor II, Sergio na State Auditor II at si Sito na isang State Auditor I. Bilang mga auditors, sila rin ay naitatalaga sa isang Audit Team at tumatanggap ng fixed and commutable Representation and Transportation Allowance (RATA). Higit sa dalawa ang miyembro ng Audit Team at tungkulin nito ang i-audit ang mga opisina sa nasabing rehiyon. Isang Audit Supervisor ang namamahala sa tatlong Audit Team. At dahil hindi permanente ang posisyon sa Audit Team, minsan sina Matilda, Sergio, Rissa at Sito ay natatalaga bilang Unit Head, Team Supervisor o kaya ay Team Leader.

Samantala, nang ipatupad ng COA ang Organizational Restructuring Plan (ORP) sa pamamagitan ng Resolution 2002-2005, hindi na muling naitalaga sina Matilda, Rissa, Sergio at Sito sa dati nilang tungkulin bilang Unit Head, Team Supervisor o Team Leader dahil tanging ang State Auditor IV na lamang ang maaaring maging Unit Head o Team Leader na makakatanggap ng RATA (fixed). Naniniwala ang grupo nina Matilda na ang pagbawi sa dati nilang tungkulin at sa dating natatanggap na RATA (fixed) sa pagiging team members na lamang at tatanggap ng reimbursable RATA, ay hindi makatwiran. Kaya, naghain ang apat na State Auditors ng reklamo laban sa COA dahil sa kanilang demosyon nang hindi dumadaan sa makatwirang proseso. Tama ba ang apat na State Auditors?

MALI.
Walang demosyon na nangyari. Masasabi lamang na may demosyon kung ang pagkilos ng isang posisyon patungo sa isang posisyon, sa pamamagitan ng pag-iisyu ng bagong appointment ay nagreresulta ng pagliit ng tungkulin, estado o ranggo na maaaring may pagbaba o hindi ng suweldo. At kapag ang pagtatalaga ng isang empleyado ay sa mas mababang posisyon na may mas mababang suweldo nang walang dahilan, ito ay maituturing na pagtanggal sa serbisyo.

Sa kasong ito, walang bagong paghirang ang inisyu sa grupo nina Matilda mula sa COA Organizational Restructuring Plan kaya hindi maituturing na may nangyaring demosyon. Ang pagbabago sa kanilang estado bilang COA Auditors kung saan tumatanggap sila ng buwanang RATA sa pagiging COA Auditors na tatangap ng reimbursable RATA ay batay sa sistema ng Audit Team Approach dahil hindi permanente ang mga posisyon sa isang Audit Team. Sa ilalim ng ORP, hindi na kuwalipikado sina Matilda, Rissa, Sergio at Sito na maging Team Leader o tumanggap ng RATA (fixed) dahil wala isa sa kanila ang may posisyon bilang State Auditor IV. Gayunpaman, hindi ito nangangahulugang hindi na sila makakatanggap ng RATA kung sakaling maitalaga sila bilang Team Leaders (Domingo vs. Carague, G.R. 161065, April 15, 2005).

Show comments