Nang makarating ang barko sa Maynila, itinakda agad ng Philippine Ports Authority (PPA) ito sa breakwater sa Manila South Harbor. Dumating ang kargamento at kinuha ng LGS ang serbisyo ng ST Brokerage Corporation (ST) upang ayusin ang mga papeles nito, tanggapin ang kargamento mula sa daungan, at dalhin ang mga ito sa bodega ng LGS. Upang hakutin ang kargamento mula daungan ng barko hanggang bodega ng LGS, inarkila naman ng ST ang lantsa at tugboat ng STI.
Nakarating ang lantsa hila ng tugboat sa daungan bandang 4:30 ng hapon. Maganda pa ang lagay ng dagat ng mga oras na yun. Bandang 7:30 ng gabi ay iniwan na ng tugboat ang lantsa pabalik sa port terminal. Samantala, bandang ika-siyam ng gabi ay naibaba na ng arrastre operator ang 37 coils mula sa barko patungong lantsa.
Natapos ang pagdiskarga ng 37 coils madaling-araw na kinabukasan subalit wala ang tugboat upang hilahin ang lantsa pabalik ng piyer. Sa mga oras na yun ay naging masungit ang panahon kaya inabandona na ng tripulante ang kargamento at agad na lumipat sa barko dahil na rin sa malalaking alon. Pagkaraan nito, humagis at tumaob ang lantsa at inanod ng tubig ang 37 coils. Kaya nang dumating ang tugboat bandang alas siyete ng umaga, tanging lantsang sira at walang laman ang hinila nito pabalik ng pier.
Sinubukang sagipin ng LGS at IIC ang kargamento ngunit nabigo sila. Kaya, nag-file ng claim ang LGS sa IIC na bayaran ang inanod na kargamento na nakasiguro. Binayaran naman ng IIC ang LGS ng P5,246,113.11. At nang mapirmahan ng LGS ang subrogation receipt pabor sa IIC, inihabla naman ng IIC ang ST, ang TVI na may-ari ng lantsa at tugboat at ang BS Shipping na siyang umangkat ng kargamento mula Russia sa pamamagitan ng ICS, para mabawi ang halagang ibinayad nito sa LGS, kabilang na ang adjustment fees, attorneys fees at litigation fees.
Igniit ng IIC na silang lahat ay nagpabaya kaya nawala ang kargamento at lahat ay may pananagutan dahil lahat ay maituturing na common carriers. Pinaboran ito ng korte subalit kwinestyun ito ng ST. Ayon sa ST, isa lamang daw silang broker agent ng LGS sa paglalabas ng mga kargamento. Tama ba ang ST?
MALI. Ang ST ay itinuring na isang common carrier dahil pampublikong negosyo nito ang maglipat ng mga kargamento mula sa daungan ng bapor patungo sa bodega ng isang consignee. Ang customs broker ay isang common carrier dahil ang paglilipat ng mga kargamento ay bahagi ng negosyo nito.
Ayon sa Article 1732 ng Civil Code, ang common carrier ay maaaring tao, korporasyon o samahan na ang negosyo ay ang pagdadala o paglilipat ng mga pasahero o kargamento o kapwa pasahero o kargamento sa lupa, tubig o sa himpapawid, na may kaukulang bayad bilang serbisyo sa publiko. Walang pagkakaiba kung ito ay pangunahin o hindi pangunahing negosyo dahil sapat na ang paglilipat ng kargamento na may kaukulang bayad upang maituring na common carrier.
Kaya, ang ST Brokerage kasama ng BS Shipping at TVI ay may pananagutan sa IIC (Schmitz Transport etc. vs. Transport Venture Inc. G.R. 150225, April 22, 2005. 456 SCRA 557).