Hatian sa manang lote

NANG mamatay si Dado, naiwan niya ang ilang ari-arian sa asawang si Dora at mga anak na sina Rommel, Gary, Nelie at Tessie. Noong August 22, 1977, nagsagawa ang mga tagapagmana ni Dado ng Deed of Partial Partition kung saan nagbibigay ito sa bawat isa ng parte mula sa mga ari-ariang naiwan. Nakasaad din sa kasulatan na natukoy na ang parte ng bawat isa sa kanila at nagkasundong wakasan na ang komunidad sa mga ari-arian (co-ownership. Isa sa napunta kay Rommel ay ang lote sa Taytay (TCT 495225).

Noong August 23, 1977, nagsagawa muli ang mga partido sa nasabing Deed of Partial Partition ng isang memorandum of agreement (MOA). Ayon sa MOA, nagkasundo silang lahat na maghati na pantay sa mapapagbilhan mula sa mga ari-ariang nahati na at natituluhan sa kanilang mga pangalan. Ang buod ng MOA ay naitala sa likod ng titulo (TCT 495225) ni Rommel.

Noong May 16, 1980, naipatupad ni Rommel ang isang Special Power of Attorney (SPA) pabor kay Tom, asawa ng kanyang kapatid na si Tessie. Nagbibigay ang SPA kay Tom ng kapangyarihang umutang ng P104,000 mula sa isang financing company (SFC), garantiya ng isang real estate mortgage. Kaya noong June 4, 1980, naitala ang Real Estate Mortgage sa TCT 495225 bilang garantiya sa inutang ni Tom sa SFC. Hindi nabayaran ni Tom ang utang kaya naremata ang nasabing lote at nabili ito ng SFC bilang highest bidder. Hindi rin ito natubos sa loob ng isang taon kaya nakansela ang TCT 495225 at inisyu ang TCT 514477 sa pangalan ng SFC.

Nang matuklasan ni Nelie ang kanselasyon ng titulo ni Rommel, naghain siya kasama ang inang si Dora at mga kapatid na sina Gary at Tessie ng reklamong annullment of the mortgage and the foreclosure for sale laban kay Rommel. Sa SFC, Sheriffs at sa Register of Deeds. Iginiit nilang sila ay kamay-ari sa lote ni Rommel na pinagtibay ng MOA. At dahil wala silang pahintulot, walang bisa ang pagsasangla nito. Tama ba sina Nelie?

MALI.
Malinaw sa Deed of Partial Partition na isinagawa sa pagitan nina Rommel at ng kanyang ina at mga kapatid na winawakasan na nila ang komunidad sa mga ari-arian. Tinukoy at hinati na rin ang kanilang mga parte rito. At dahil nagpatibay ang nasabing kasulatan, nangangahulugan lamang na si Rommel ay may lubos na pagmamay-ari sa lahat na loteng napunta sa kanya. Bilang may-ari, may karapatan si Rommel na gamitin, ipagbili o isangla ang mga ito nang hindi na kinakailangan pa ang pahintulot ng kapwa tagapagmana.

Sa kabilang banda, wala rin sa probisyon ng MOA ang pumipigil sa karapatan ni Rommel na isalin o isangla ang kanyang mga ari-ariang nakuha mula sa deed of partition.

Tanging nakasaad lamang sa MOA ang tungkulin ng bawat isa sa kanila na maghati sa mapapagbilhan ng mga ari-arian. Hindi ipinag-uutos ng MOA ang pagbawi ng lote upang itatag muli ang komunidad, taliwas sa kanilang layunin sa isinagawang deed of partition (Cruz vs Court of Appeals, et. al. G.R. 122904, April 15, 2005. 456 SCRA 165).

Show comments