Abala sa video karera ang mga bata ni Col. Mantele na sina SPO1 Magkaisa at SPO4 Samson

LULAN ng isang motorsiklo, sumilong muna sa Cafe Padrino sa Emilio Aguinaldo Highway sa Bgy. Lalaan 1st sa Silang, Cavite ang mag-asawang Emerson at Catherine Manaig, noong June 12 dahil sa malakas na ulan. Hindi akalain ng mag-asawang Manaig na ang isang iglap lamang ng kanilang pamamahinga ay sasapitin nila ang isang malupit na krimen sa kamay ng mga nakamotorsiklo ring suspects. Kasi nga, may pumarada rin na motorsiklo sa tabi ng mag-asawang Manaig, na mga magnanakaw pala.

Tinutukan ng baril ng dalawang suspect ang mag-asawang Manaig at nilimas ang kanilang cash na umaabot sa P1,100, 3660 Nokia cellphone, BPI express card, AMA School ID, drivers license, at iba pa. Tumakas patungong north direction ang mga suspects lulan ng isang kulay pulang XRM na motorsiklo na may plate number UD-1398.

Ang tanong sa ngayon, saan ang kapulisan ni Sr. Supt. Benjardi Mantele, ang hepe ng Cavite PNP? Inireport ng mag-asawang Manaig ang kaso sa Silang police station, subalit mukhang wala namang intensiyon ang mga pulis doon na – follow up ang kaso, he-he-he! Baka kulang lang sa padulas itong Manaig couple, di ba mga suki?

Kung hindi alam ni Mantele kung bakit makupad sa trabaho ang kanyang mga tauhan, aba may kasagutan diyan ang taga-MPD. Ang mga bataan pala ni Mantele ay abala sa pagkakitaan lalo na sa video karera nina SPO1 Alan Magkaisa at SPO4 Armandito Samson kaya’t mataas ang krimen sa Cavite nga. Ayon sa kausap ko sa MPD, umaabot sa 250 hanggang 300 ang makina ni Magkaisa sa Silang, Maragondon, Imus, Kawit at Rosario.

Kaya ang mga kapulisan sa Silang at nabanggit na mga bayan ay nagbabantay ng video karera ni Magkaisa at wala silang panahon para habulin ang mga kriminal, tulad ng nambiktima ng Manaig couple. Para sa kaalaman ni Mantele, si Magkaisa ay naka-assign mismo sa Cavite PNP sa Imus. Bulsa muna bago trabaho, ’yan kaya ang motto ng PNP sa Cavite sa ngayon sa ilalim ng transformation program ni PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao? Mukhang hindi sinusunod ng kapulisan natin ang mga alituntunin ni Lomibao sa ‘‘one strike’’ policy niya sa video karera, di ba mga suki?

Kung sabagay, hindi lang si Magkaisa ang may video karera sa Cavite, anang taga-MPD. May pulis rin na si SPO4 Armandito Samson, na naka-assign sa CIDG sa Camp Crame ay may aabot sa 200 makina sa mga bayan nina Mayor Efren Nazareno ng Naic at Mayor Raymundo del Rosario ng Tanza. Siyempre, kaya namumutakti ng video karera sa Cavite ’yan ay dahil kay alyas Bandong, na umano’y kapatid ni Gov. Ayong Maliksi.

Kung sabagay, mula nang maupo si Mantele sa Cavite, samu’t saring kaso ang nangyari diyan pero iilan lang ang nalutas. Hindi ko naman sinasabing walang kakayahan si Mantele na miyembro ng PMA Class ’80, kundi baka minamalas lang siya. Itong si Mantele ay tubong Cavite kaya’t dapat lang na alam niya ang pasikut-sikot doon lalo na ang mga puwesto nina Magkaisa at Samson. Bigyan pa natin ng ilang araw itong si Mantele mga suki at baka malipol din ng mga tauhan niya ang mga video karera nina Magkaisa at Samson.

Abangan!

Show comments