Nang makarating si Emong sa Saudi Arabia, pinapirma siya sa blankong kontrata ng paggawa samantalang ang suweldo niya ay bumaba sa 604 Saudi Riyals. Noong December 28, 1990, bumalik na siya sa Pilipinas. Ayon kay Emong, siya raw ay dinismis at sapilitang pinabalik ng kanyang amo dahil sa kanyang mga inireklamo tulad ng di-makataong kondisyon sa trabaho, di pagbabayad ng suweldo at overtime pay, salary deductions at pagbabago ng amo. Kaya, lumapit siya sa Labor Arbiter at naghain ng reklamo laban sa GMP, Inc. ng illegal dismissal, underpayment at non-payment of wages at refund of transportation expenses. Iginiit niyang limang buwang suweldo lamang ang ibinayad sa kanya samantalang ang suweldo niya sa natitirang dalawang buwan ay hindi pa niya natatanggap. Isinumite rin niya ang original duplicates na computerized pay slips na inisyu sa kanya ng SAE na magpapakita na ang kanyang naging basic salary ay 604 riyals lamang.
Itinanggi lahat ito ng GMP Inc. Ayon sa GMP, Inc. inabandona ni Emong ang kanyang trabaho dahil sa pagsapi nito sa ilegal na welga at sa pagtanggi nitong bumalik sa trabaho, na maituturing na paglabag sa kanyang kontrata ng paggawa at matibay na dahilan para matanggal siya sa serbisyo. Bukod dito, hindi raw matatanggap na ebidensiya ang pay slip na isinumite ni Emong dahil ang orihinal nito ay hindi na-isumite at hindi napatotohanan.
Pinaboran ng Labor Arbiter ang depensa ng GMP, Inc. na inabandona nga ni Emong ang kanyang trabaho subalit iginawad pa rin kay Emong ang naipagkait na suweldo pati na ang natitirang dalawang buwang suweldo. Ang desisyong ito ay kinumpirma ng NLRC kung saan inatasan nito ang GMP, Inc. at ang SAE na bayaran si Emong ng $3,125 less SR3,020 bilang salary differentials ng limang buwan at $1,250 bilang suweldo ng dalawang buwan. Kinuwestiyon ito ng GMP, Inc. sa Court of Appeals (CA) subalit sinang-ayunan ng CA ang NLRC. Ayon sa CA nakasalalay sa GMP, Inc. patunayan na nabayaran ng SAE si Emong batay sa nakasaad sa kontrata. At dahil hindi ito nagawa ng GMP, Inc., tama raw ang NLRC na maniwala sa reklamo ni Emong sa underpayment.
Gayunpaman, iginiit ng GMP, Inc. na si Emong ang dapat na magpatunay na kulang ang suweldo niyang natanggap mula sa SAE at hindi rin sapat na ebidensiya ang isinumite nitong pay slips. Tama ba ang GMP, Inc.?
MALI. Kahit na inamin ng GMP, Inc. na naibigay na nila kay Emong ang suweldo nito, kalakip pa rin ito ang tungkuling patunayan na buong halaga ang kanilang naibigay. Taliwas ang $625 na suweldong napagkasunduan nila sa buwanang 604 riyals na inaming natatanggap ni Emong.
Ang ginawang pagtanggi ng GMP, Inc. ay hindi naging sapat dahil hindi nito napasinungalingan ang bintang na underpayment.
Samantala, napagtibay naman ni Emong na may underpayment nga dahil sa isinumiteng computerized original duplicates pay slips na inisyu sa kanya ng SAE. Tatanggaping ebidensiya ang nasabing pay slips dahil hindi naman saklaw ng technical rules of evidence ang paglilitis sa NLRC. Kaya ang tungkuling magpatunay ay napunta sa GMP, Inc. (G&M Phils. Inc. vs. Cruz G.R. 140495, April 15, 2005 456 SCRA 215).