Paliwanag ni MWSS Administrator Orlando Honrade, maliliit lang naman ang mga bahay ng 94 managers at senior rank and file. Bungalows lang na tig-36 o 44 sqm ang karamihan, sa presyong P345,000-P390,000 kada unit. At nasa ibaba raw ng filtration ponds at La Mesa reservoir, kaya hindi nakakarumi sa tubig-inumin ng 14 milyong Greater Manilans.
Pero inamin din ni Honrade na binili na ng MWSS Corporate Office Multi-Purpose Cooperative ang lupa, at tinitulohan na sa kanila. Iniutang at inipon daw nila ang pagpapatayo ng mga bahay. Ganun din daw ang iba pang housing projects sa paligid ng 3.3 ektarya.
Yon na nga ang sinasabi kong bad example. Bakit tinituluhan sa kanila ang mga lote? Sa madaling salita, hindi ito staff housing para sa managers at empleyadong nagtatrabaho pa sa MWSS. Permanente at indibidwal na pabahay na nila ito magretiro man o masibak dahil pag-aari na nila. Kaya puwede rin nila itong ibenta sa outsiders, kabilang na ang mga teroristang nais lumason sa tubig o ng mall developers na nais magtayo ng matataas na gusali.
Dalawa ang implikasyon nito. Isinubo ng pabahay ang reservoir sa kapahamakan labag sa unang tungkulin ng mga taga-MWSS. At nilabag nila ang batas na nagtatalaga sa Kongreso lamang na tukuyin kung anong lupaing pampubliko ang puwedeng isapribado.
Kung nagawa ito sa La Mesa watershed ng National Capital Region, talagang nanganganib na ang 378 pang ibang watershed ng bansa. Ano ngayon ang pipigil sa watershed managers at empleyado na gayahin ang estilo ng MWSS? Mauuhaw tayong lahat.