Basahin ang sistema ng sindikato ni Alex Garces sa karera

PARA sa mga opisyales ng Philracom, at kina MARHO Pres. Mandaluyong City Rep. Benhur Abalos at Atty. Alfonso Reyno, pres. ng San Lazaro Leisure club, ganito ang sistema ng sindikato ni Alex Garces sa karera. Nanawagan din ako sa mga horseowners na arukin itong ilalahad ko para hindi nila maranasan ang sinapit ni pyramiding scam suspect na si Bong Espinocilla na nagisa sa sariling mantika ng tropa ni Garces nga. Sa ganang akin kasi, hindi mga bookies ang problema ng Philracom, nina Abalos at Reyno kundi ang sindikato ni Garces na sa loob mismo ng karerahan nag-ooperate. Itong mga bookies kasi ay unti-unti na ring namamatay dahil sa sobrang overhead sa lingguhang intelihensiya sa PNP natin. Get’s mo PNP chief Dir. Gen. Arturo Lomibao Sir?

Ito palang si Garces ay may alagang mga ahente sa loob ng karerahan at ang trabaho nila ay kumbinsihin ang mga horseowners na sa bookies na nila tataya. Ilan sa mga ahente ni Garces ay sina Sonny Cabantog, at alyas Boogie at Boy. Ipaliliwanag ng ahente ni Garces na kapag sa takilya tumaya ang mga horseowners, bababa ang dividendo at kokonti ang tatamaan nila. Sa bookies? Malaki ang kikitain dahil may dagdag pa itong porsiyento, anila. At kapag kumagat ang mga horseowners? Doon na mag-umpisa ang kalbaryo sa buhay nila. Alam ito ni Espinocilla dahil naging biktima siya ng sistema.

Ganito ang nangyari kay Espinocilla na ikinuwento sa akin ng kaibigan niya. Noon pala ay may maraming kabayo rin si Espinocilla at ang pagkamali lang niya, pumasok siya sa bitag ng sindikato ni Garces. Dahil umaabot sa P200,000 ang gitna ni Garces nahikayat ng ahente niya si Espinocilla na tumaya sa bookies nga. Siyempre, kapag llamado ang kabayo ni Espinocilla, malaking halaga ang itataya niya kay Garces. Halimbawa, tataya si Espinocilla ng P100,000, kikilos na ang sindikato ni Garces at ang tiyak niyan, kikita at kikita ang tropa niya.

Ganito ang sistema. Kapag llamado talaga ang kabayo, ang taya ni Espinocilla ay ikakalat ng grupo ni Garces sa mga bookies nina Apeng Sy, Boy Abang, Tom Sacueza, Danny Estanislao at Toto Lacson. Siyempre, may kita si Garces dahil sa porsiyento at kung wala talagang kalaban dadagdagan pa nila ang taya nila. Pero kapag may silat ang kabayo ni Espinocilla, lalabanan ni Garces ang kabayo niya at titiyakin na hindi ito mananalo. Kapag mabilis umarangkada ang kabayo ni Bong, kukutsabahin ni Garces ang mga hinete na nasa payroll niya at papagurin ito para matalo.

Kapag late starter naman ang kabayo ni Bong, ang gagawin ng mga kaalyado na hinete ni Garces ay haharangan ang lahat ng dadaanan nito para hindi makaungos. Kayong mga horseowners, naranasan n’yo na ba ang ganitong sistema ng sindikato ni Garces? He-he-he! Milyon ang natalo kay Espinocilla sa modus operandi na ito ni Garces at binugbog pa siya dahil hindi na makabayad. May insidente rin na kabayo na ni Espinocilla ang ibinabayad niya sa pagkautang niya.

Si Garces na mismo ang tagakalat ng taya ni Espinocilla sa mga bookies sa Sta. Ana area. Si Boy Arce naman ang in-charge nito sa Sta. Mesa, Blumentritt at Sampaloc, si Obet Bunganga sa Tondo, si Cesar Quiapo sa Quiapo at ang kapatid ni Garces na si Beth Mendoza sa Sta. Ana rin at sa San Andres. Sa ganitong sistema naubos ang kapitalista na si Joe Maranan, umayaw si Apeng Sy at lulugu-lugo na sina Tom Sacueza, Danny Estanislao, Val Adriano Adriano at Toto Lacson. Buhay pa si Espinocilla at nakakulong lang siya sa Makati City jail kasama ang asawang si Rhodora. Abangan!

Show comments