Unang hakbang sa pagkakasundo

LAHAT ng bagay ay napag-uusapan. Iyan ay matandang kasabihang Pinoy. Kahit magkaaway na mortal ay nagkakasundo sa mahinahon at mabuting pag-uusap.

Sa isyu ng charter change o "cha-cha" matagal nang nagbabangayan ang Kongreso at Senado gayundin ang Senado at ang Malacañang. Pero ang mga sangay na ito ng pamahalaan ay gumawa na ng hakbang para pag-usapan hindi lamang and cha-cha kundi pati na ang mga nakabiting panukalang batas sa Kongreso.

Nagpulong noong Martes ang Legislative-Executive Development Advisory Committee (LEDAC) sa Palasyo. Iminungkahi ni deputy minority leader Rep. Butz Aquino at Luis Villafuerte kay Speaker Joe de Venecia na talakayin sa pulong ang cha-cha. Yes naman ang sagot ni JDV. Kasunod niyan, ang pinuno ng Senate committee on constitutional amendments at si Sen. Dick Gordon at ang counterpart niya sa Mababang Kapulungan na si Rep. Constantino Jaraulla ay nagkasundong pag-usapan ang cha-cha at ang pagbuo ng Kongreso sa isang constituent assembly para baguhin ang Konstitusyon. Sabi nga ni Senate President Frank Drilon, okay lang baguhin ang Konstitusyon basta’t sa tamang paraan.

Malaking bagay na dumalo sa pulong ang lahat ng pinuno ng Kongreso, Senado at Ehekutibo para magkaroon ng mabuting usapan. Naroroon si Presidente Arroyo, bise Presidente Noli de Castro at karamihan sa mga cabinet members. Sina Drilon, Senate Majority leader Kiko Pangilinan, Senate Pres. Protempore Juan Flavier at Gordon. Ed Angara, Ralph Recto, Johnny Ponce Enrile at Manuel Villar ay naroroon din. Sa Mababang Kapulungan, bukod kay JDV at Butz Aquino, dumalo rin sina Deputy Speaker Gerry Salapuddin, Majority Leader Prospero Nograles, Reps. Simeon Datumanong, Teddy Locsin, Junie Cua, Ace Barbers, Miguel Zubiri at Monico Puentebella.

Sey ni Political Adviser Gabby Claudio, lahat ng lumahok sa Ledac meeting ay lumabas ng may ngiti sa labi. Ibig sabihin, kung ano man ang mga sigalot na naririnig natin sa media na waring hindi ubrang pagkasunduin, kayang-kayang plantsahin ng mabuting usapan. Sana magtuluy-tuloy ang ganitong open-line communication sa pagitan ng mga opisyal ng ating pamahalaan. All’s well that ends well, ika nga.

(Email me at alpedroche@philstar.net.ph)

Show comments