Salamat at napagtuunan ng Arroyo government ang nakaaawang kalagayan ng mga batang nasa jails. Isang batas ang nilikha para hindi na magdusa ang mga bata sa kulungan at sa halip ay sa mga rehabilitation centers sila dadalhin para mareporma. Pangangasiwaan ito ng Department of Social Welfare and Development (DSWD). Pinirmahan na ni President Arroyo ang Juvenile Justice System Act o ang Republic Act 9344 noong nakaraang April 28. Sa ilalim ng batas, ang lahat ng mga batang nakakulong ay ililipat sa mga rehab upang doon i-undergo sa diversion program kagaya ng counselling, capacity building at training and socio-civic work.
Sa ilalim din ng batas, hindi na kakasuhan ang mga batang 15 anyos pababa at ang mga edad 15 hanggang 18 ay hindi rin naman sasampahan ng kaso kung ang nagawang kasalanan ay hindi nila alam na labag sa batas.
Ang kaawa-awang kalagayan ng mga batang bilanggo ay napanood sa Cable News Network. At ang panooring iyon marahil ang nagmulat sa mga mata ni Mrs. Arroyo para ipag-utos sa Department of Justice na asikasuhin ang kalagayan ng mga batang nasa jail. Isang taon ang makalipas mula nang mapanood ang kalagayan ng mga batang nasa jail, nabuo na ang isang batas at ngayon ay sinisimulan nang alisin sa mga bilangguan ang mga bata.
Malawak ang saklaw ng RA 9344 at maaaring magkaroon na nga ng bukas ang mga batang dumanas ng kadiliman sa jail. Subalit hindi lamang ang mga nakakulong na ang dapat pa ring bigyang pansin kundi pati na rin ang dumadaming bilang ng mga "batang rugby" na parang mga kabuteng nagsulputan sa maraming lugar sa Metro Manila. Maraming sumisinghot ng rugby sa Sta. Cruz, Blumentritt, Rizal Avenue sa Maynila na tila hindi naman pinapansin ng mga pulis. Nagkalat din ang mga batang rugby sa Caloocan, at sa Balintawak, QC. Damputin at dalhin sa mga rehab ang mga batang ito na pawang tuyo na ang mga utak.