Masaya ang Mayo

Ang buwan ng Mayo’y buwan ng bulaklak

At buwan din itong masaya ang lahat;

Sa bayan at nayo’y ating mamamalas

Ang mga balwarte’y may bagong pahiyas!

Sa mga lugaring buhay pa ang batis

Mga bangka roo’y palaging malinis;

Mga namamangka’y binatang makisig

At ang kasama n’ya’y dalagang marikit!

Sila’y sumasagwang may ngiti sa labi

At ang ilaw nila’y buwang nakangiti;

May mga bituing sumisilip lagi

Sa siwang ng dahong sariwa palagi!

Sa mga probins’ya’y ating makikita

Na namumulaklak mga punong mangga;

Ito’y mababangong ang sanghaya’y iba

Pagka’t mamumungang sariwa’t sagana!

Sa loob ng hardin ang mga bulaklak

Ay nag-uunahan sa biglang pagbukad

Kaya mga ito’y pinuputi agad

Upang sa simbaha’y ialay ng dilag!

Sapagka’t bakasyon ang mga eskwela

Ay nagpapasyalan na barka-barkada;

Bata at teenagers sa mga kalsada

Nagsisipaglaro’t nagsisigawan pa!

Kung Linggo ay puno ang mga simbahan

Ng mga pamilyang doo’y nagdatingan;

Dalaga’t binata ay nasa luhuran

Kapwa sumusumpang tapat sa suyuan!

At higit sa lahat ang dala ng Mayo

Ay ulang pambuhay sa halama’t damo;

Ang unang ulan daw kung buwang ganito

Dapat ipaligo ng lahat ng tao!

Show comments