Hindi naman sinadya na may nagbulong sa akin ukol sa operation ng Ampy ni Adriano at nabanatan natin ng ilang araw. Siyempre, kasama sa upak natin si Sandoval at kasama niyang kolektor ng NCRPO na si Noel de Castro. Malakas ang paniwala ni Sandoval at mga kasangga niya sa NCRPO na si Adriano ang nagpatira sa kanya. Kayat mula noon, kaliwat kanang raid ang inabot ni Adriano sa tropa ni Sandoval. Hilong talinong si Adriano. Ang dating Ampy ay nabuwag at ang mga naka-umbrella kay Adriano ay nagkanya-kanya na. Si Sandoval? Siyempre, tuloy ang ligaya niya dahil nag-ooperate pa rin ang bookies ng karera niya na matatagpuan sa kanto ng Limay at Bagac Sts. sa Tondo at Sulu at Blumentritt Sts. sa Sta. Cruz. Si Adriano? Imbes na lider siya ng Ampy, aba siya na sa ngayon ang naka-umbrella sa pumallit sa kanya na si Lito de Guzman ng Sampaloc, na may financier na isang Intsik na si alyas Sammy. He-he-he! Babalikan natin si De Guzman sa susunod na mga araw mga suki.
Si Sandoval naman at si De Castro ay hindi natinag sa illegal nilang gawain. Nagmalaki pa si Sandoval na sinabihan siya ng kanyang amo na ituloy lang ang kanilang pagkalap ng lingguhang intelihensiya. Hindi lang yan. Gusto pa ng amo ni Sandoval na lakihan ng tropa nila ang tinatang-gap niya. Sino kaya ang tinutukoy ni Sandoval na amo? Si Sr. Supt. Villanueva kaya na RSAU chief o si NCRPO chief Dir. Vidal Querol? Aba ayaw ni Gen. Querol ng ganyan. Dapat ipahuli ni Querol si Sandoval at de Castro para malinis niya ang pangalan niya. Kung hindi siya kikilos, magkakatotoo ang pagyayabang ni Sandoval at mga tro- pa niya na may basbas sila ni Querol.
At dahil patuloy ang panghaharabas nitong grupo ni Sandoval, maraming gambling lords sa Metro Manila ang nananalangin na dumating na sa NCRPO si Dir. Jess Versoza, ang hepe sa ngayon ng CIDG. Kalmante kasi ang mga gambling lords bunga sa pagsupil ni Versoza sa illegal rin na gawain ng kaibigan kong si SPO1 Bayani Neri. Medyo lumambot si Neri bunga sa pressure ni Versoza, anila. Kaya kapag si Versoza na ang hepe ng NCRPO, tinitiyak ng mga gambling lords na hahabulin nito ang grupo ni Sandoval. Ibig sabihin, hindi kunsintidor si Versoza, di ba mga suki? Kungsabagay, ilang tulog na lang at darating na rin ang delubyo sa buhay ng tropa ni Sandoval. Abangan!