3 paraang reporma

BULOK ang sistemang ekonomiya. Ang mga mahirap, lalong humihirap; ang mga mayaman, lalong yumayaman. Naiiwanan ang Pilipinas ng mga kapit-bansa. Iniaasa sa gobyerno ang pagbigay ng trabaho, bagamat sa private sector dapat ito manggaling.

Bulok din ang sistemang pulitika na pumoprotekta sa bulok na ekonomiya. Gumagasta ng P2 bilyon para mahalal ang isang Presidente at Bise; P500 milyon ang isang senador; P250 milyon ang isang kongresista, gobernador, city mayor; at ilang milyon pa ang isang municipal mayor, bise, provincial board member o konsehal. Pero ang suweldo nila, nasa P20,000-P35,000 lang kada buwan. Hindi mababawi ang gastos sa sahod lang. Dadaanin sa kurakot at pagtanggap ng suhol mula sa oligarkiyang naghahari sa bulok na ekonomiya.

Dapat baguhin ang ekonomiya at ang pumoprotektang pulitika sa pamamagitan ng Charter Change. Dapat sabay silang repormahin.

Tatlo ang paraang pangreporma:

•Constituent Assembly: Magsasama ang Senado at Kamara sa usapan, at pagbotohan ng three-fourths ang pagbabago sa Konstitusyon;

•People’s Initiative: Taumbayan mismo ang maglalahad ng amyenda sa pirma ng 12% ng mga botante, pero 3% kada distrito; at

•Constitutional Convention: Ihahalal ang mga delegado mula sa mga distrito, at sila ang susulat ng bagong Konstitusyon.

Pinaka-mabilis sana ang Constituent Assembly. Nariyan na ang mga senador at kongresista. Isisingit na lang sa trabaho nila ang pag-emyenda sa Konstitusyon. Mapapakinabangan sila nang husto ng mga botante.

May konting gastos ang People’s Initiative sa pagpapa-imprenta ng signature sheets at pagpapaikot nito sa mga barangay, Pero ito’y tunay na demokrasya kung saan taumbayan mismo ang susulat ng amyenda.

Magastos at mabagal ang Constitutional Convention. Gagastos ang Comelec ng P5 bilyon para sa halalan; gagasta rin ang mga kandidato nang tig-P20 milyon para sa kampanya. Pero walang katiyakan kung gaano katagal nila susulatin ang amyenda. Basta kailangan pondohan sila ng Kongreso nang P2 bilyon kada taon hanggang matapos ang pagsusulat.

Show comments