Disiplina

KUNG tayo’y magmamasid sa ating kapaligiran sa kasalukuyan, tiyak masasabi natin na nagkakaroon na nang malaking kakulangan sa disiplina.

Ang salitang "disiplina" ay may kahulugang "kasanayan na nagpapaunlad sa pagkontrol sa sarili, karakter at kasinupan." Samakatwid, ito rin ay nagsasaad nang maayos na pag-uugali. At ang layunin ng pagsasanay na magkaroon ng disiplina ay hindi lamang upang mapaunlad ang sarili, kundi upang maipatupad nang maayos ang mga kalakaran ng pamumuhay, maisakatuparan ang mga batas na nakaaapekto sa lahat ng tao.

Nakalulungkot na isipin na sa sobrang kaluwagan na sa disiplina, nagkakanya-kanya na tayo. Nagkukulang na ang ating pagmamalasakit sa kapwa. Ang katwiran nga ay: Paanong pahahalagahan ang ibang tao, kung sa sarili’y walang pagpapahalaga at walang disiplina?

Napansin n’yo ba na magpahanggang nga-yon may mga motorista pa rin na nagtatapon ng kanilang basura sa labas ng bintana ng kanilang sasakyan? Na may mga taong tumatawid sa lansangan na hindi ginagamit ang itinakdang tawiran? Na may mga pampublikong sasakyan tulad ng bus, jeep at tricycle na nagsasakay at nagbababa ng mga pasahero sa lugar na bawal? Na may mga taong sa halip na sundin ang mga batas trapiko ay tuwang-tuwa pag nakakalusot sila sa kanilang paglabag sa mga ito? Na kahit tutukan ang mga tinatawag na "kotong-cop" ay marami pa rin ang nangongotong? Na may mga taong hindi nakatutupad sa takdang usapan dahil sa "matrapik" daw?

Kung ang bawat isa sa atin ay may disiplina, nangangahulugang may pagpapahalaga tayo sa ating sarili, kapwa at bansa. Kung nagkukulang tayo sa disiplina, kahit anong programang mabuti para sa ating sarili at lipunan ay hindi maipatutupad.

Show comments