Nagsadya sa aming tanggapan si Felicisima Madronio-Barao ng Novaliches, Quezon City upang humingi ng tulong hinggil sa pagkakabaril ng kanyang kapatid at ang malubhang kondisyon ng pamangkin nito.
Dati ng may alitan sa pagitan ng biktimang si Romeo Madronio at ang suspek na si Loreto dela Cruz alyas Itok dahil sa lupang kinatatayuan ng bahay ng una. Sinasabi umano ng suspek na sa siya ang may-ari ng lupa.
"Pinapaalis ni Loreto ang kapatid ko dahil siya nga raw ang may-ari nito. Sinabi naman ni Romeo na bigyan lang siya ng panahon ay lilipat na rin sila ng ibang tirahan kung sinasabi niyang kanya ang lupa," sabi ni Felicisima.
Mabait at tahimik na tao ang biktima. Hindi umano mahilig makipag-argumento kaya kahit na walang maipakitang titulo sa kanila si Loreto ay hinahayaan na lamang nila sa gusto nitong gawin. Magmula nang pilit na pinapaalis ang mga Madronio sa lugar na yon ay hindi na rin kinausap ni Romeo si Loreto.
"Halos magkakasabay na silang tumira sa lugar na yon. Kilalang siga sa lugar ito at mahilig manutok ng baril kapag gugustuhin niya. Isa na rin sa tinutukan niya ay si Jojo na kamag-anak rin namin. Hindi na lang nagsampa ng kaso laban sa kanya dahil ayaw ng palalain ang nangyari. Walang makapalag dahil sa takot sa kanya," sabi ni Felicisima.
Sa tuwing nakikipag-inuman umano ang suspek madalas nitong paringgan ang biktima ng kung anu-ano subalit minabuti na lamang nitong magsawalang-kibo dahil alam niyang may baril ito. Ayaw na rin umano ng biktima na patulan pa ang suspek upang huwag ng palikihin pa ang gulo at makaiwas na rin sa posibleng pagmulan ng away.
Ika-26 ng Pebrero bandang alas-5 ng hapon sa California Riverside, San Bartolme, Novaliches, Quezon City naganap ang insidente. Magkasamang naghuhukay si Romeo at ang manugang nitong si Reynaldo Tampos nang bigla na lamang dumating ang suspek na si Loreto.
Nagbabaon noon ng tubo ang magbiyenan para sa kanilang tubig ng bigla na lamang lumapit sa kanila ang suspek. Pinapatigil nito ang paghuhukay dahil sinasabi umano nitong sa kanya ang lupa na yon.
"Tinanong ni Romeo si Loreto kung bakit siya pinipigilan nito. Bakit ang ilang kapitbahay ay nakapaghukay na at bukod tanging siya lang ang inaawat nito sa paghuhukay. Talagang pagdating sa kapatid ko mainit ang ulo niya," pahayag ni Felicisima.
Sinabihan naman ni Meldina ang asawa nitong si Romeo na umuwi na lamang ng bahay upang makaiwas sa gulo. Inakala nitong kasunod na nito ang asawa sa pag-uwi dahil hihingi umano ng tulong ang mga ito sa pulis dahil natitiyak nilang sa hindi maganda mauuwi ang lahat.
Samantala ang suspek naman ay umuwi ng bahay. Ilang sandali pa lamang ang nakakalipas ay nakarinig na ito ng putok.
"Ang pamangkin kong si Susan ay nagsisisigaw at humihingi ng saklolo sa mga taong nakapaligid dahil nakatutok na noon ang baril sa kapatid pero dahil siya ang nagsisisigaw ay siya ang unang pinutukan ng suspek," sabi ni Felicisima.
Dahil sa takot ng mga ito, nagtatakbo na lang sila subalit naabutan ng suspek ang biktimang si Romeo kaya agad umano nitong pinaputukan. Binawian ng buhay si Romeo dahil sa tama ng balang tinamo nito. Samantala sa kanang hita na malapit sa tuhod ang tama ni Susan. Isinugod ito sa ospital upang malapatan ng lunas ang sugat nito.
"Walang tumulong na kapitbahay dahil sa takot nilang sila naman ang balingan ng suspek. Nang makita ng hipag kong nakabulagta na ang asawa niya ay nag-iiyak na ito at hindi malaman ang gagawin," kuwento ni Felicisima.
Mabilis namang tumakas ang suspek at ang anak nitong si Rodel dela Cruz matapos ang ginawang krimen. Agad din namang nagsampa ng kaukulang reklamo ang pamilya ng mga biktima sa himpilan ng pulisya laban sa mga suspek. Subalit ayon sa kanila, homicide lamang daw ang ikakaso sa suspek. Hindi rin naipasama pa ang kasong tangkang pagpatay sa biktimang si Susan.
"Ako ang nag-aasikaso sa kasong ito dahil ang hipag kong si Meldina ay hindi makalma dahil sa nangyari sa kapatid. Ang gusto sana namin ay pag-isahin na lamang ang kaso tutal naman ay mag-ama ang biktima at mag-ama rin ang suspek," paliwanag ni Felicisima.
Hangad ng pamilya Madronio na mabigyan ng hustisya ang pagkakapaslang kay Romeo at ang nangyari kay Susan. Umaasa silang magiging mabilis ang proseso sa kasong ito upang pagbayaran ng mga suspek ang kanilang ginawa.
"Malaya pa ring nakakagala ang suspek sa lugar nila. Ang sinasabi daw nito ay hindi na niya kailangan magtago dahil sa maliit na tao lang ang nabiktima niya. Ganoon na lamang ba kadali sa kanila ang pumatay ng tao? Dahil siguro sa maimpluwensiya sila kaya ganoon sila. Kamag-anak din nila ang chairman sa barangay. Kaya sana matulungan ninyo kami sa kasong ito," pagwawakas ni Felicisima.
Para sa may mga problema lupa maaari kayong magsadya sa aming tanggapan tuwing araw ng Huwebes. Mayroong representative mula sa Land Registration Authority na magbibigay ng advice sa inyo.
Para sa lahat ng biktima ng karahasan, krimen at mga legal problems, maaari kayong tumawag sa 6387285 o di kayay sa 6373965-70. Maaari din kayong magtext sa 09213263166 o 09198972854. Ang aming tanggapan ay sa 5th Floor City State Center Bldg., Shaw Blvd., Pasig City.
Abangan ang ibat ibang isyung tatalakayin sa aming radio program HUSTISYA PARA SA LAHAT kasama si DOJ Secretary Raul Gonzalez, State Prosecutor II Olive Non at ang inyong lingkod, tuwing Sabado alas-7 hanggang alas-8 ng umaga sa DWIZ 882 am band.