Pero marami ang nagulat nang ang sumunod na kontrobersiya sa Customs ay nang isang mensahero roon ang nabuking na may hindi maipaliwanag na ari-arian na kinabibilangan nang milyones na bahay, may paupahang apartment at may mamahaling sasakyan. Ang mensahero ay sumasahod lamang umano ng P6,000 isang buwan. Nakunan pa ng video ang mensahero habang minamaneho ang kanyang mamahaling sasakyan.
Pero hindi pa iyan ang nakaka-shock. Mas matindi ang isang security guard sa Customs house na nasa Pasay City sapagkat mayroong limang magagarang bahay na pawang nasa mga exclusive na subdibisyon sa Pasig. At ang matindi pa, 10 ang mamahaling sasakyan ng sekyu. Sumasahod lamang ang sekyu ng P8,000 isang buwan. Sinampahan na ng kaso ang sekyu na nakilalang si Raul Enriquez. Sabi ni Enriquez, may business ang kanilang pamilya kaya nakabili sila ng mga ari-arian. Sabi naman ng Department of Finance na kahit sinumang magagaling na mathematician ay mahihirapang kuwentahin kung paano nabili ng cash ni Enriquez ang milyones na ari-arian sa suweldong P8,000. Nagsimula bilang sekyu sa Customs si Enriquez noong 1987.
Talamak ang corruption sa Customs at nararapat nang linisin. Kung ang sekyu, mensahero (baka pati janitor ay corrupt) mas lalo pa marahil ang mga nasa katungkulan. Kung ang mga malilit na buwaya (o butiki o bayawak) ay nakakakulimbat, gaano pa ang mga nasa kapangyarihan. Gaano pa ang mga pinuno na madali lang madyikin ang lahat para makadikwat.
Totohanang paglilinis sa Customs ang kailangan at magkaroon sana ng ngipin ang gobyernong ito. Hindi pawang banta na ang mga maliliit o mga butiki at bayawak lamang ang nalalambat at nakaaalpas ang mga buwaya.