EDITORIAL - Bangayan ng mga senador sa taumbayan ang bukol

WALANG ibang nasasaktan sa pagbabangayan ng mga mambabatas kundi ang mga naghalal sa kanila. At kung hindi titigil sa pagbabangayan ang mga mambabatas, kawawa naman ang taumbayang naghihirap. Paano’y hindi maipapasa ang mga batas na dapat mapakinabangan ng taumbayan.

Gaya ng ginagawang bangayan nina Sen. Juan Ponce Enrile at Sen. Jamby Madrigal. Nag-umpisa ang away sa isyu ng martial law ni Marcos. Nagkabulatlatan ng baho. Bumanat si Jamby. Sumangga si Enrile. Bumunghalit ng iyak si Jamby. Hindi raw dapat isinasama ang kanyang mga magulang sa isyu. Bumanat muli si Enrile at nahalungkat ang pandaraya umano ni Jamby noong eleksiyon. Ang isyu sa pandaraya noong election ang kinakalkal ngayon at nakisawsaw na ang Malacañang.

Ang resulta ng away ay ang hindi paggalaw ng Senado sa dapat ay kanilang gampanan bilang mambabatas. At kung walang gumagalaw sa mga mambabatas, ang kawawa ay ang mga naghalal sa kanila. Sayang lang ang boto na ipinagkaloob kung pag-aaway sa loob ng chamber ang kanilang aatupagin.

Sa maniwala at sa hindi, 30 batas pala ang nakabimbin sa Senado at hindi man lamang pinag-aaksayahang pagtuunan ng pansin. Ipinasa na ng House ang 30 bills at kailangan na lamang ang approval ng Senado pero hanggang ngayon, walang nangyayari. Inaamag na ang mga batas at kung siguro ay mabubulok baka matagal nang nangamoy sa Senado.

Dahil sa hindi paggalaw ng Senado sa mga nakabimbing batas, nagreklamo na si House Minority leader Prospero Nograles. Huwag daw ibalewala ng mga Senador ang ipinasa na nilang batas. Dapat daw asikasuhin na ang pagpapasa ng mga ito.

Sinabi pa ni Nograles na sa ginagawang ito ng mga Senador, lalo lamang binibigyan ng pagkakataon para maisulong ang unicameral government upang hindi na dumaan pa sa dalawang Kapulungan ang mga ipinapasang panukalang batas.

At mas matindi ang sinabi ni Nograles na nauubos lamang ang oras ng mga senador sa imbestigasyon ng kung anu-anong mga bagay na hindi mahalaga.

Tumpak si Nograles. Mga walang kuwentang bagay ang inuuna kaysa magpasa ng batas na ang makikinabang ay ang mga naghalal na mahihirap. Itigil na ang bangayan at asikasuhin ang para sa taumbayan.

Show comments