Nakaabot sa aming grupo na patuloy pa rin ang isinasagawang pagkakatay at pagbebenta ng Natividad Farm ng mga manok na patay na, kinatay pa!
Report ng mga residenteng nagtext samin, tinatawanan lang daw ng may-ari ang operasyong isina- gawa ng BITAG at National Meat Inspection Service sa kanilang outlet.
Tuloy pa rin ang kanilang ligaya sa pagbebenta ng mga double dead sa kanilang mga outlet sa Masinag, Antipolo, St. Peter Commonwealth, at sa San Mateo Rizal.
Kaya binibigyan namin ng babala ang lahat, dahil sa patuloy pa rin sa pagkakatay at pagbebenta ng mga double dead na manok ang Natividad Farm, maaaring ang mga nabili nyong manok ay galing sa kanilang farm.
At para sa kung sino man ang nasa likod ng Natividad Farm, kwidaw na kayo sa BITAG! Alam namin kung sinu-sino ang mga padrinong pinapaderan niyo!
Anumang oras ay puwede naming balatan ng mukha ang mga taong pinananggalang ninyo at hindi kami natatakot.
Wala kaming pakialam kung mga taga-lokal na gobyerno ang inyong padrino at kabakas dahil wala kaming sinasanto.
Dahil alam naming iligal ang ginagawa ng inyong farm, hindi namin kayo titigilan. Ngayon pang alam namin ang lokasyon at minsan na kaming nakapasok sa inyong teritoryo. Hindi kami mangingiming lumapit muli sa Bureau of Animal Industry para lantaran naming pasukin ang inyong teritoryo at mabunyag pa ang mga bahong nabubulok na diyan sa loob.
Hindi estilo ng grupo ng BITAG na siraan ang ano mang establisimiyento o negosyo, pero kung kapakanan na ng nakararami ang pinag-uusapan, dito na makikialam ang grupo ng BITAG. Kung giyera lang naman ang gustong mangyari ng nagmamay-ari ng Natividad Farm, wag niyo kaming hamunin dahil kayang-kaya naming ibigay ang kahilingan niyo. Nasampulan na namin ang isa niyong outlet, at sinisiguro naming susunod ang iba niyo pang puwesto pati na ang Natividad Farm mismo.
Matibay ang aming mga ebidensiya sa paggawa ninyo ng kalokohan kaya hindi kayo makakapagtago samin.
Sige ipagpatuloy nyo lang ang inyong kabulastugan, tingnan natin kung makangiwi pa yang mga pagmumukha ninyo. Dahil itaga niyo sa bato, susunod na ang Natividad Farm na makakatikim ng patibong ng BITAG!