Palayasin, paalisin si Madam Gloria!!!

"IN Germany, the Nazis came for the Communists and I did not speak up because I was not a Communist. Then they came for the Jews, and I did not speak up because I was not a Jew. Then they came for the trade unionists and I did not speak up, because I was not a trade unionist. Then they came for the Catholics, and since I was a Protestant, I did not speak up. Then they came for me, and by that time there was no one left to speak up for me," ito ho ang sabi ni Rev. Martin Niemoller, isang German Lutheran Pastor.

Naalala ko ho kasi tipong hanggang sa araw na ito, marami pa rin sa ating mga kababayan ang ayaw manindigan at nais ay magmiron lamang. Hindi nila naaalala na ang hindi pagkilos laban sa kasamaan ay malinaw na pangungunsinti. Malinaw naman kung sino ang MASAMA.

Ako ho, naninindigan at naniniwala na dapat nang UMALIS, BUMABA, MAG-RESIGN, PATALSIKIN, SIBAKIN, PAGTABUYAN, PALAYASIN si Madam Senyora Donya Gloria. Ngayon kung sa salita kong ito ay ipatutupad niya ang pagpapakulong sa inyong lingkod, sige lang dahil sa bawa’t Pilipinong inyong susupilin ay 100 ang lalaban, lalo na sa samahan ng media na ngayo’y nagkakaisa upang tutulan ang malinaw na pang-aapi, pananakot at panunupil ni Madam Senyora sa lahat ng Pilipino.

Madam Senyora Donya Gloria, Gen. Arturo Lomibao at mga alipores ng Malacañang, gawin n’yo na ang lahat ng pananakot pero hindi kami mananahimik upang ilantad ang katotohanan at labanan ang lahat ng uri ng katiwalian gaya ng PAGNANAKAW, PAGSISINUNGALING AT PANDARAYA.
* * *
Ang buong samahan ng media ang tanging institution na nagkaisa sa pakikipaglaban sa state of national emergency o Proclamation 1017 na kumikitil sa Kalayaan ng Sambayanan kasama na ang Freedom of the Press.

Ito ho ang Pahayag ng SAMAHANG PLARIDEL, grupo ng mga beteranong journalists na lumaban kahit sa rehimeng Marcos noong martial law. Marami ho sa kanila ang nakulong o di kaya’y pinahirapan dahil sa pagtatanggol sa karapatan ng malayang pamamahayag.

"Sa ilalim ng malayang lipunan, isang pagtuya sa kasaysayan ang pagtalunan ang pagkadalisay ng karapatang makapagpahayag o yung tinatawag na Freedom of the Press.

Noong ika-19 ng siglo, maraming bayaning Filipino, tulad ni Jose Rizal, Marcelo del Pilar (PLARIDEL), Graciano Lopez Jaena at iba pa ang kusang nagpa-exile, tinatag ang Propaganda Movement, inilimbag ang La Solidaridad, nakipaglaban bilang manunulat para sa kalayaan ng bayan. Likas sa kanilang pakikibaka ang kalayaan ng pamamahayag.

Sa 12 taon ng martial law, patuloy na nagsulat ang mga Pilipinong mamamahayag habang naka-exile kasabay ang ibang nakikipaglaban para sa kalayaan. Samantala, ang mga mamamahayag na nanatili sa Pilipinas ay nagsulat pa rin nang patago na maituturing na naka-exile rin.

Ngayon, maliwanag na ine-exile ng Proclamation 1017 ang mga mamamahayag sa pamamagitan ng censorship. Sa ganitong paraan ay itinatapos na rin ang isang malaking haligi ng demokrasya.

Itong paglabas ng pamahalaan ng "standards" — upang takutin ang media na sumunod sa kanilang itinakdang "guidelines" ukol sa pamamahayag —- ay ngayon lang nangyari sa anumang demokrasya. Hindi ito napapaloob sa ating Saligang Batas na iginagalang ang kalayaang panlipunan kahit sa ilalim ng batas militar.

Ipinakikita sa atin ng kasaysayan na ang kalayaang panlipunan ay tiyak na mayuyurakan kung aalisin ang karapatang makapagpahayag o press freedom.

Ipinakikita rin ng kasaysayan na ang malayang pamamahayag ay nakatutulong sa halip na nakasisira sa isang malayang lipunan. Hindi sinisira ng media, bagkus itinataguyod ang demokrasya, sa pamamagitan ng malayang pag-ulat ng mga pangyayari at malayang pagtalakay dito. Sa ganitong paraan, maipagtatanggol ng mga tao ang kanilang sarili sa tiyak na pag-aabuso ng kapangyarihan. Sandalan ng mamamayan ang isang malayang media laban sa panloloko, pananakot at panunupil mula sa anumang makasasama sa kanilang kalagayan.

Ang malayang pamamahayag ay tinuturing lamang na subversive ng isang diktaduryang rehimen – subversive ang media sa walang pasintabing paggamit ng kapangyarihan, subversive ito sa kalagayang nagtatamasa ang iilan habang naghihirap ang marami, subversive ito sa armadong panlilinlang.

Hayaan na lang nating pagtalunan ng mga abogado ang merito ng Proclamation 1017.

Para sa amin sa Samahang Plaridel, hindi kailangang pagtalunan ang kahalagahan ng malayang pamamahayag. Nakapanliliit pagtalunan ang isang sagradong karapatan na tinuturing na mahalagang tatak ng isang malayang lipunan na tumitiyak sa ating buhay, kalayaan at paghanap ng kaligayahan.

Ang isang pamahalaan, higit sa lahat, ang isang malayang lipunan, na hindi kayang intindihin ito ay napaalipin na."
* * *
Para sa anumang reaksyon o kumento, i-e-mail sa nixonkua@yahoo.com o nixtkua@gmail.com o mag-text sa 09272654341.

Show comments