Sangla ng lupa’t bahay ng mag-asawa

IKINASAL sina Mercy at Danny noong August 8, 1967. Nakabili sila ng bahay at lupa kung saan nakapangalan sa kanila ang amelyar nito. Subalit sa isang Deed of Absolute Sale na isinagawa, si Danny lamang bilang nagbibili ang natukoy at hindi kasama si Mercy.

Noong December 1, 1993, gumawa si Danny ng isang Special Power of Attorney (SPA) kung saan binigyan niya ng kapangyarihan si Beth para mangutang sa HSL Bank. Pinautang naman ng HSL Bank si Beth sa halagang P300,000 kung saan naging garantiya ang bahay at lupa ng mag-asawang Mercy at Danny. Sa katunayan, ang SPA pabor kay Beth at ang isinagawang pagsasangla ay naganap lingid sa kaalaman ni Mercy.

Nasamsam ng HSL Bank ang bahay at lupa nina Mercy at Danny nang hindi nabayaran ang pagkakautang sa naitakdang panahon. Makalipas ang isang taon mula sa pagkakabenta, naisalin ang pag-aari ng bahay at lupa sa HSL dahil hindi natubos. Namatay si Danny noong December 20, 1995. Samantala, nang bisitahin ni Mercy ang kanilang bahay at lupa, nalaman niyang ang katiwalang nagbabantay doon ay itinalaga ng HSL. Bukod pa rito, nasunog ang kanyang kotse dahil sa isang batang naglaro ng apoy na pinabayaan ng katiwala.

Ayon kay Mercy, wala siyang kaalaman sa pagsasangla ng kanilang bahay at lupa kaya nagsampa siya sa Regional Trial Court (RTC) ng action for declaration of nullity of the Real Estate Mortgage and Certificate of Sale, Affidavit of Consolidation of Ownership and Re- conveyance with Injunction and Damages.

Samantala, iginiit naman ng HSL na kahit na ipinag-uutos ng Family Code (Article 124) na kinakailangan ang pagsang-ayon ng mag-asawa sa pagsasangla ng kanilang ari-arian, hindi naman ipinagbabawal ang karapatan ng isang asawa na pamahalaan ang bahagi ng ari-arian nilang mag-asawa sa ilalim ng konsepto ng co-ownership ayon sa Article 493 ng Civil Code. Tama ba ang HSL?

MALI.
Sa kaso ng Guiang vs. Court of Appeals (353 SCRA 578), ang pagbebenta ng ari-arian ng mag-asawa ay kinakailangang may pagsang-ayon ng asawang lalaki at ng asawang babae. At kapag walang pagsang-ayon, walang bisa ang pagbibili, pati na ang bahaging nakalaan sa asawa na nagbili. Saklaw din ng prinsipyong ito ang kaso ng pagsasangla ng bahay at lupa nina Mercy at Danny.

At dahil ikinasal sina Mercy at Danny noong August 8, 1967, kung saan wala silang isinagawang pagkakasundo sa kanilang ari-arian, ang system of relative community or conjugal partnership of gains ang magiging batayan ng kanilang pamamahala sa kanilang ari-arian. At dahil naging epektibo ang Family Code noong August 3, 1988, magiging batayan nila ang isinasaad ng Family Code samantalang pupunan na lamang ng mga probisyon sa partnership ng Civil Code ang kakulangan ng Family Code (Homeowners Savings and Loan Bank vs. Dailo 453 SCRA 283 G.R 153802, March 11, 2005).

Show comments