Patuloy ang pagpapagaling

NOONG kapanahunan ni Jesus, ang mga ketongin ay itinuturing na mga makasalanan sapagkat iniuugnay ang kanilang sakit sa mga kasalanang kanilang nagawa. Kung kaya’t hindi lamang sila marumi, sila rin ay itinuturing na salot sa lipunan. At dahil doon, sila’y itinatakwil, itinataboy at pinatitira sa labas ng mga bayan-bayan. Hindi sila maaaring makisalamuha sa mga ordinaryong tao. At kapag sila’y nakita sa may kabayanan, sila’y binabato.

Ang Ebanghelyo sa araw na ito ay tungkol sa pagpapagaling ni Jesus sa isang ketongin. Ang ketongin ang lumapit kay Jesus at nanikluhod na pagalingin siya (Mark 1:40-45).

May isang ketonging lumapit kay Jesus, nanikluhod at nagmakaawa: "Kung ibig mo po ay mapagagaling ako." Nahabag si Jesus at hinipo siya, sabay sabi, "Ibig ko. Gumaling ka!" Noon di’y nawala ang ketong at gumaling ang tao. Pinaalis siya agad ni Jesus matapos ang ganitong mahigpit na bilin: "Huwag mong sasabihin kaninuman. Sa halip ay pasuri ka sa saserdote. Pagkatapos, maghandog ka ayon sa iniutos ni Moises, upang patunayan sa mga tao na ikaw ay magaling na." Ngunit umalis siya at bagkus ipinamalita ang nangyari, anupa’t hindi na hayagang makapasok ng bayan si Jesus. Naroon na lamang siya sa labas, sa mga ilang na pook, at doon pinagsasadya ng mga tao buhat sa iba’t ibang dako.


Malakas ang loob ng ketongin. At dahil sa hangarin niyang gumaling, siya mismo ang lumapit kay Jesus, taglay ang malalim na pananalig, "Kung ibig mo po, mapagagaling mo ako." Nasa ketongin din ang kababaang-loob. Hindi siya basta huminging mapagaling. Siya’y nanikluhod at nagmakaawa. At ayon pa rin sa Ebanghelyo, sa kagalakan ng taong napagaling sa kanyang ketong, sa halip na sundin niya ang bilin ni Jesus na huwag sabihin kaninuman ang nangyari, lalo pa niyang ipinamalita ang nangyari sa kanya.

Tunay nga naman na mahirap itago ang magandang pangyayaring naganap sa taong dating ketongin. Nais niyang ibahagi sa iba ang kanyang kagalakan dahil sa pagpapagaling sa kanya ni Jesus.

Si Jesus ang Maganda at Mabuting Balita. Kaya sa katuwaan at kagalakan ng mga taong tagasunod niya, siya’y ipinama- malita sa lahat ng dako ng mundo.

Show comments