Nakalulungkot…

LAMAN pa rin ng mga balita ang kalunus-lunos at tunay na nakalulungkot na pangyayari sa Ultra noong nakaraang Sabado, Pebrero 4. Mahigit 70 katao ang namatay at tinatayang 200 katao ang nasugatan sa naganap na stampede. Nagtulakan sila makakuha lamang ng tiket para makapasok sa Ultra at makasali sa game portion bilang bahagi ng pagdiriwang ng kanilang unang anibersaryo.

Marami nang komento ang naipahayag, narinig at nagpalit-palitan tungkol sa pangyayari. Ngunit hindi maikakaila ng pangyayari ang isang realidad: Ang pagkasayang ng mga buhay at pagbabakasakali ng Pinoy.

May mga maliliit na kuwento na napapaloob sa malaking kuwento ng stampede. Isa na rito ang panghihinayang ng isang lalaki na kapalit ng kanilang pagbabakasakaling manalo ay ang buhay ng kanyang asawa. Ganoon din ang isang namatay na ginang na nakunan ng P49,000.00 sa bulsa (at naibalik sa mga kaanak nito) na nagbabakasakaling madagdagan pa iyon upang may maipantustos sa pag-aaral ng kanyang anak sa kolehiyo. At marami pang iba.

Ang pagbabakasakali, sa isang banda, ay may kaakibat na pag-asa – pag-asang magbabago ang kapalaran, pag-asa na may mahihitang mabuting pangyayari. Ngunit sa kabilang banda, katuwang ng pagbabakasakali ay isang sugal – maaaring manalo, maaaring matalo. Sa ganoon, ang "pag-asang" kaakibat ng pagbabakasakali ay hindi nagmumula sa isang kumbinsidong paninindigan na nanggagaling sa matibay at mapunyaging pagsusumikap. Ang pag-asang kaakibat ng pagbabakasakali ay panandalian lamang. At ito ang higit na nakalulungkot.

Kapag ang isang tao ay naibunsod sa pagbabakasakali, mas malamang ang kanyang kapahamakan kaysa sa tagumpay.

Tunay na nakalulungkot ang mga pangyayari sa Ultra noong Sabado. Nakalulungkot ang mga buhay na nawala at ang mga nangyari sa mga nasugatan. Nakalulungkot din ang nangyayari sa higit nating mga mahihirap na mamamayan na patuloy na nagbabakasakali.

O, lipunan, saan tayo patungo? O, Panginoon, kahabagan mo kami!

Show comments